Wednesday, May 24, 2017

TAUMBAYAN PINAG-IINGAT NG PULISYA SA MGA PICKPOCKETER, ‘SALISI’ GANG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maging mapagmatayag at mag-ingat sa mga 'salisi' gang at pickpocketers.
photo (c) Kalibo PNP

Ito ang muling paalala ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng Kalibo municipal police station, kaugnay ng sunud-sunod na mga kaso ng nakawan sa bayan ng Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Sta. Ana na iwasang magdala ng malaking halaga ng pera at magsuot ng mga mamahaling alahas kapag pumupunta sa mga matataong lugar.

Ang palaging paalala niya ay huwag magtitiwala sa mga taong hindi kakilala. Mahalaga anyang tandaan ang mga taong nakakasalamuha lalu na ang itsura, suot na damit, at iba pang pagkakakilalan para sa “profiling”.

Ayon sa hepe, kabilang umano sa umiiral na modus ng mga magnanakaw sa Kalibo ay ang salisi at pickpocketing.

Nitong Lunes ay naaresto ng mga tauhan ng Kalibo at Banga PNP station ang tatlong babae na tinuturing na “notorious” na magnanakaw sa probinsiya at maging sa mga karatig lugar.

Nagsusuot umano ang mga ito ng parehong kulay ng damit para lituhin ang kanilang mga biktima. Iniipit umano nila ang kanilang mabibiktima sa mga matataong lugar upang makapagnakaw.

Samantala, nagpaalala rin siya sa taumbayan na mag-ingat sa mga Bajao na nagbebenta ng mga pekeng alahas. Paliwanag ng hepe, sasabihin umano ng mga ito sa mabibiktima na napulot nila ang alahas at iaalok sa murang halaga.

Laganap umano ang ganitong kaso ngayon lalu at may nahuli na sila sa mga nakalipas na araw.

Asahan rin anya ang paglabasan ng mga ganitong modus lalu na ngayong panahon ng balik-eskwela.

No comments:

Post a Comment