Friday, March 17, 2017

MGA ESTUDYANTE AT GURO SA KALIBO PINAGHAHANDA SA MGA KALAMIDAD

Pinaalalahanan ng Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO) Kalibo at ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang ilang mga guro at estudyante na maghanda sa mga kalamidad at emerhensiya.

Ito ay kasunod ng paggunita sa nangyaring great east Japan earthquake noong Marso 11, 2011 na kumitil ng buhay ng halos 16 na libong katao at pagkasira ng maraming ari-arian, agrikultura at iba pa.

Sa seminar na ito, nagpaalala rin sina civil defence officer Terence June Toriano at JICA volunteer Tatsuya Hada, na huwag lamang umasa sa tulong ng pamahalaan sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Paliwanag nila, kailangan ang mga mamamayan muna ang dapat unang rumesponde at tumulong sa kanilang sarili. Dahil rito, nagpaalala sila na maglaan ng emergency kit sa kanilang mga tahanan. Itinuro rin sa nasabing seminar ang tamang paglapat ng first aid at iba pa.

Nabatid na sa bansang Hapon, isinasailalim nila sa puspusang pagsasanay at pagtuturo ang kanilang mga mamamayan kagaya ng fire fighting, at basic first aid.


Hinikayat naman ni Hada ang mga guro na magsagawa ng araw-araw na pagtuturo sa high school kaugnay ng disaster risk reduction at kapaligiran.

No comments:

Post a Comment