Tuesday, March 14, 2017

KALIWA’T KANANG AKSIDENTE SA KALSADAHIN SUMAILALIM SA IMBESTIGASYON NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sumailalim na sa pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kaliwa’t kanang mga aksidenteng nangyayari sa mga kalsadahin sa probinsiya na nagiging dahilan ng kamatayan ng iba.

Sa kanyang ulat sa plenaryo, sinabi ni SP member Nemisio Neron, na karamihan umano sa mga naaaksidente ay mga nagmamanehong lasing at hindi sumusunod sa mga batas-trapiko.

Nabanggit din sa kanyang committee report na may kakulangan rin ang Department of Public Works and Highway (DPWH) sa paglalagay ng mga safety reminders at signages. Plano na rin umano ng DPWH na maglagay ng signages na “slow moving vehicle, keep right” para sa mga four lane na kalsada.

Aminado rin anya ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na hindi sila nagiging istrikto sa pagpapatupad ng batas-trapiko dahil narin anila sa kakulangan ng mga law enforcers nila.

Una na itong sumailalim sa pagdinig noong Pebrero 20 na pinangunahan ng committee on public works, housing, land use and urban relocation at ng committee on energy, public utilities, transportation and communications.

Sa kabilang banda, pasado na sa Sanggunian sa unang pagbasa ang panukalang batas na inihain ni SP member Jay Tejada na nagtatakda ng mga pulisiya sa road accident prevention at safety awareness scheme, at pagbuo ng task force kaugnay sa implementasyon nito.

No comments:

Post a Comment