Saturday, March 18, 2017

PASTORAL LETTER NG PAGTUTOL SA STL BABASAHIN SA MGA SIMBAHAN SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maglalabas ng pastoral letter ang Diocese of Kalibo para tutulan ang takdang pagbubukas ng small-town lottery (STL) sa probinsya ng Aklan.

Sinabi ni Fr. Isauro David, tagapagsalita ng Diocese sa usapin ng STL, na ang nasabing sulat ay babasahin sa misa sa lahat ng simbahan sa lalawigan.

Una nang sinabi ni Fr. David sa Energy FM Kalibo ang pagkabahala ng simbahan sa epekto ng numbers game na ito sa pamilya at sa kumunidad sa kanilang pamumuhay at pag-uugali.

Bagaman wala umano silang magagawa sa legalidad ng operasyon, umaasa siya na sa pamamagitan ng pastoral letter na ito ay mahikayat ang mga mamamayan na huwag tangkilikin ang ganitong uri ng sugal.

Naniniwala si David na kapag walang tumataya rito ay mapipilitan rin umano ang operator na magsara.

Umaasa rin siya na mapag-usapan ng Sangguniang Panlalawigan at mga opisyal ng bayan ang isyung ito at maimbetahan sila upang ipahayag ang panig kaugnay rito.

No comments:

Post a Comment