Showing posts with label 2017 Ati-atihan. Show all posts
Showing posts with label 2017 Ati-atihan. Show all posts

Tuesday, March 14, 2017

MGA TRIBU NG ATI-ATIHAN LALAHOK SA GUIMARAS MANGGAHAN FESTIVAL

Lalahok sa unang pagkakataon ang mga tribu ng Ati-atihan festival ng Kalibo sa Manggahan festival sa lalawigan ng Guimaras sa darating na Mayo.

Sinabi ni Albert Meñez, chairman ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation, Inc. (Kasafi), ang mga nasabing grupo ay kakatawan sa Aklan sa Western Visayas Invitational Cultural Presentation bilang bahagi ng nasabing pagdiriwang sa Mayo 21.

Ang mga grupong ito ay ang Black Beauty Boys at Royal Scorpio, parehong mula Kalibo, at Vikings mula Makato.

Ayon pa kay Meñez, isa itong pagkakataon upang maipakita ng Aklanon kung ano ang kaya nilang maipagmalaki.

Itinatanghal sa Manggahan festival sa Guimaras ang industriya ng manga sa lalawigan bilang mango capital ng bansa. (PNA)


Friday, January 20, 2017

LGU MALAY HINILING SA KAPITOLYO ANG PAG-TURN OVER NG BORACAY ROAD

main road Brgy. Balabag by Darwin Tapayan
Hinihintay nalang ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay ang sagot ng provincial government kaugnay ng kanilang hiling na ibigay sa kanila ang pamamahala sa circumferential road ng Boracay.

Ayon sa may akda ng resolusyon na si Sangguniang Bayan member Floribar Bautista, kayang-kaya umanong pamahalaan ng Malay ang nasabing kalsada.

Paliwanag ng lokal na mambabatas, ang pagkakaroon anya ng total control and management sa circumferential road ay magbibigay-daan sa kanila upang matugunan ang suliranin sa trapiko sa Boracay.

Ang panukalang ito ay sinang-ayunan naman ng lahat ng konsehal.

Saklaw ng Boracay circumferential road ang mga kalsada sa mga barangay Yapak, Balabag at mga sitio Cagban at Tambisaan sa Brgy. Manocmanoc.

Wednesday, January 18, 2017

ZERO MAJOR INCIDENT SA ATI-ATIHAN – APPO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Walang anumang malalaking kaso ng insidente ang naitala sa Ati-atihan.

Ati-atihan 2017 by Darwin Tapayan
Ayon kay Aklan Provincial Police Office chief public information officer Nida Gregas, ginamit umano nila ang innovative strategy para masiguro ang seguridad at kaligtasan sa pagdiriwang ng Ati-atihan ngayong taon.

Nakipagtulungan ang mga kapulisan mula sa Regional Public Safety Battalion 6 at ang mga provincial offices ng Capiz, Iloilo at Antique para sa pagdiriwang na ito.

Nagpasalamat siya sa mga Philippine army, mga tanod, coastguard, at iba pang law enforcers.

Pinasalamatan rin niya ang mga katuwang nila sa emergency response kabilang na ang provincial at municipal disaster risk reduction ang management offices, Provincial Health Office, mga pribado at pampublikong hospital at Red Cross.

Malaki rin anya ang naging responsibilidad ng media sa pagbibigay impormasyon sa taumbayan kaugnay ng mga ipinapatupad nilang mga batas kaugnay ng pagdiriwang. Kabilang dito ang pagbabawal ng bagpack, pagbibitbit ng babasaging bote, mga patalim, at pagbibitbit ng baril.

Tuesday, January 17, 2017

SADSAD 2017 WINNERS:

Black Beauty Boys
Mga Kasimanwa ito po ang mga nanalo sa Sadsad Contest sa Kalibo Ati-atihan Festival base po sa opisyal na resulta na inilabas ng Kasafi:

TRIBAL BIG GROUPS
-Black Beauty Boys (Linabuan, Kalibo) – champion (7 year straight) - P180,000
-Vikings (Barangay Dumga, Makato) - second - P100,000
-Kabog (Barangay Estancia, Kalibo) - third place - P60,000
Consolation P20,000 each
-Maharlika of Dumga, Makato
-Pangawasan of Cayangwan, Makato
-Tribu Tiis-Tiis of New Buswang, Kalibo.

TRIBAL SMALL GROUP
-Tribu Alibangbang – Linabuan Norte, Kalibo - champion and got P80,000
-Tribu Bukid Tigayon (Last year’s champion) - second place - P50,000
-Tribu Responde (New Buswang, Kalibo) - third place - P40,000
Consolation prize - P10,000 each
-Tribu Ninolitos of Tigayon, Kalibo
-Lezo Tribe of Ibao, Lezo
-Tribu Tikbalang of Manhanip, Malinao

MODERN GROUP
-Royal Scorpio – first place, P70,000
-Aeang-Aeang – second place, P30,000
-Pirates 1962 – third place, P20,000
-Pagmukeat and D’Emagine - consolation prize, P10,000 each
-Road Side, Lagalag 27 Original, Gala Drumbeat, and Bae-ot Bae-ot – other participants, P5,000 each

BALIK ATI
-Tribu Ilayanhon mga Inapo ni General Candido Iban – first, P70,000
-Apo ni Inday – second, P30,000
-Malipayong Ati – third, P20,000
-Kinantuing, Maninikop and Sinikway nga Ati – consolation prize, P10,000
-Anono-o Group – other participant, P5,000

ORIGINAL ATI (INDIVIDUAL)
Enigmatic Verushka, La Negra Picca and Balik Ati – P3,000 each

MODERN TRIBAL (INDIVIDUAL)
Mangwayen, Pantastika and Immortal – P3,000 each

Congratulations!

'PANGALAGAAN AT PROTEKTAHAN ANG MGA ATI’ – PANAWAGAN NG DIOCESE OF KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“Pangalagaan at protektahan ang mga ati.”

Kalibo Cathedral by Darwin Tapayan
Ito ang panawagan ni Bishop Jose Corazon Tala-oc ng Diocese of Kalibo sa pamahalaan at taumbayan sa kanyang homiliya sa pilgrim mass Linggo ng umaga kaugnay ng sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan festival.

Binanggit pa ng obispo ang bahagi sa Aklan hymn kung saan sinasabing ‘[Ikaw Aklan…] may ati ka, bantog sa kalibutan’. Pero basi sa kanya, tila napapabayaan na lamang ang mga ati.

Inihalimabawa pa niya ang sitwasyon ng mga ati sa Boracay kung saan nahihirapan umano sila sa sarili nilang lugar. Paliwanag pa ni Tala-oc na posible anya na walang Ati-atihan ngayon kung wala sila.

Ang mga ati ang unang naninirahan sa isla at kalaunan ay ginawaran ng pamahalaan ng sariling lugar para sa kanila, pero sa kabila nito ay nakakaranas parin ng mga banta sa pagnanais na makuha ang kanilang teritoryo.

Samantala, nanawagan rin siya sa mga debotong Katoliko na maging mapagpakumbaba, at maging simple kagaya ng sanggol na Jesus.

Ang misang ito sa harapan ng St. John the Baptist Cathedral ay dinaluhan ng libu-libong mga deboto at mga panauhin.

30 TRIBU AT GRUPO HUMATAW SA ATI-ATIHAN SA KABILA NG ULAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Black Beauty Boys
Hindi nagpapigil sa paghataw ang 30 tribu at grupo na kalahok sa Ati-atihan contest sa unang araw ng judging sa kabila ng walang humpay na pagbuhos ng ulan Sabado ng umaga.

Hindi rin magkamayaw ang mga lokal at mga foreign tourist sa panunuod ng makukulay na costume ng mga kalahok at masisigla nilang sadsad.

Ang mga kalahok sa tribal small tribe ay ang Tribu Ninolitos, Tribu Bukid Tigayon, Lezo Tribe, Tribu Alibangbang, Tribu Tikbalang at Tribu Responde.

Humataw naman sa big tribal category ang Vikings, Maharlika, D'Kamanggahan, Pangawasan Tribe, Tribu Timawa, Kabog, Tribu Tiis-tiis, at anim na taong sunod na panalo na Black Beauty Boys.

Sa modern group naman ay hataw rin ang Gala Drumbeat, Scorpio, Road Side, Lagalag 27 Original, Pagmukeay, Pirates 1962, Bae-ot Bae-ot, D'Emagine, Aeang-aeang.

Sa balik category naman ay humataw rin ang Tribu ni Inday, Sinikway nga Ati, Ano-noo Group, Maninikop, Kinantuing, Malipayong Ati, at Tribu Ilayanhon.

I-aanunsyo ang mga panalo sa Magsaysay Park Linggo ng gabi.

Saturday, January 14, 2017

DRUMMER SUGATAN MATAPOS MATUMBA ANG MENAMANEHONG TRICYCLE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dr. Rafael S. Tombokon Memorial Hospital
Hindi na nakasali pa sa sadsad ng kanilang grupo sa Kalibo Ati-atihan Festival ang isang 24-anyos na lalaki makaraang tumumba ang menamanehong tricycle Sabado ng umaga sa national highway ng Brgy. Calimbahan, Makato.

Ang biktima ay nakilalang si Christian Tubera, 24 anyos, residente ng Tondog, Tangalan at drummer ng Gala Drumbeat - grupong kalahok sa modern group category ng Ati-atihan 2017.

Patungo na sana ng bayan ng Kalibo ang biktima sakay ang tatlong iba pa nang aksidente itong bumangga sa nakatumpok na buhangin sa gilid ng kalsada.

Naipit ang biktima nang matumba ang tricycle dahilan para magtamo ito ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan. Agad namang nasakluluhan ang biktima at naisugod sa provincial hospital. 

Naka-confine ngayon ang lalaki samantala ang tatlong iba pa ay mga out-patient naman makaraang magtamo lamang ng mga kaunting sugat.

13 ANYOS NA BABAE BIKTIMA NG LASLAS BAG GANG SA ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Mag-ingat sa mga laslas bag, bulsa gang!
Isang 13-anyos na babae ang posibleng biktima ng laslas bag gang s
a kasagsagan ng Kalibo Ati-atihan Festival umaga ng Sabado.

Salaysay ng biktimang si Jessamin Yrra Dela Vega, residente ng Toting Reyes st., Brgy. Andagao, Kalibo, nagulat na lang umano siya nang mapag-alamang nawawala na ang kanyang cellphone at passbook na nakalagay sa loob ng kanyang knapsack.

Dito niya napag-alaman na nilaslas ang kanyang bag dahilan para makuha ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang mga gamit. Maswerete naman anya na hindi nakuha ang kanyang wallet na nasa loob din ng parehong bag.

Ayon pa sa biktima, posible umanong nangyari ito dakong alas-11:00 ng umaga habang nasa kahabaan siya ng Veterans Avenue sa bayan ng Kalibo partikular sa may Kalibo Elementary School habang nanonood ng sadsad.

Hindi umano niya namalayan ang pangyayari at nakalayo na sa lugar bago niya napag-alaman ang naturang insidente.

Minabuti niya itong iparekord sa Kalibo police station habang ang kaso ang ini-refer sa theft and robbery section ng pulisya para sa posibleng imbestigasyon.

MGA KANDIDATA NG MISS U BINISITA ANG ISLA NG BORACAY

by Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
file photo

Dumating sa Isla ng Boracay ang nasa 16 hanggang 20 kandidata ng Miss Universe Sabado ng umaga para sa ilang aktibidad.

Nabatid na lumapag ang kanilang sinakyang eroplano sa Caticlan Airport dakong alas-8:00 ng umaga at pagkatapos ay agad na dumiretso sa Caticlan jetty port kasama ang nasa 100 production staff.

Pagakatapos nito ay sumakay ang mga kandidata sa speed boat patungong prestihiyosong resort and spa sa isla para sumabak sa kauna-unahan nilang out of town pictorial sa beach area ng nasabing hotel.

Samantala, alas-3:00 ng hapon ay babalik ang mga kandidata sa Metro Manila para sa iba pang pre-pageant activities.

Una ng naibalita na sasaksihan ng mga kandidata ang selebrasyon ng ati-atihan sa Kalibo pero dahil sa pangamba sa seguridad ay minabuti ng organizers na ipagpaliban ito.

Pinapanatili rin nilang konpedensyal ang iba pang detalye hinggil sa mga aktibidad ng mga kandidata dahil sa mahigpit na seguridad. Pinagbabawal rin ang magselfie sa kanila.

Mahigpit ngayon ang pinapatupad na seguridad sa lugar ng mga tauhan ng PNP, AFP, Philippine Coast Guard at iba pang ahensiya ng gobyerno maliban sa sariling securities ng organizing committee ng international pageant competition.

Friday, January 13, 2017

SUNUD-SUNOD NA MGA KASO NG NAKAWAN NAITALA SA KASAGSAGAN NG ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sunud-sunod na kaso ng nakawan ang naitala sa Kalibo police station Huwebes ng hapon sa kasagsagan ng Hegante Parade at bulto ng tao kaugnay ng pagdiriwang ng Ati-atihan sa Kalibo.

Nagreport sa police station si Jan Michael Fuentes na habang nasa Pastrana Park ay nawalan umano ng kanyang wallet habang ito ay nasa sling bag ng kanyang asawa. Laman umano ng wallet na ito ang pera na tinatayang nasa Php4,000, mga ATM, at iba pang mga importanteng dokumento.

Ninakawan rin umano ng kanyang wallet na nasa kanyang backpack ang isang 16 anyos babae at high school student habang ay nasa Pastrana Park. Ayon sa biktima, laman ng wallet na ito ang perang tinatayang Php1,000, at school ID.

Ninakawan rin umano ng kanyang wallet ang isang 24-anyos na si Airon Bantigue habang ito ay nakalagay sa loob ng kanyang u-box ng kanyang motorsiklo na nakaparke sa harapan ng isang mall. Laman ng wallet na ito ayon sa biktima ang pera na nagkakahalaga ng Php3,700, mga ID at iba pang mga dokumento.

Naniniwala ang mga ito na sila ay nabiktima ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek.

Samantala ang mga kasong ito ay patuloy pang iniimbetigahan ng mga awtoridad.

Thursday, January 12, 2017

LGU BALETE, GRAND CHAMPION SA HEGANTE PARADE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Panalo sa isinagawang Hegante Contest ng Aklan Provincial Tourism Office Huwebes ng hapon ang lokal na pamahalaan ng Balete sa kanilang hegante na professional chef. Inuwi nila ang premyo na Php45,000.

Nars nga Ati ng Tangalan, 2nd place
Sinundan naman ito ng Tangalan sa ikalawang pwesto sa kanilang hegante na Nars na Ati at natanggap ang Php40,000 na premyo. Pangatlo sa pwesto ang New Washington sa ka
nilang hegante na Aura Bombero at nag-uwi naman ng Php35,000.

Nakamit naman ng Batan ang ika-apat na pwesto at premyo na Php30,000 sa kanilang hegante na Doktornga Ati nga Batangnon. Nakapasok naman sa top five ang Ibajay sa kanilang hegante na Seaferer Ati at nag-uwi ng Php25,000.

Ang lima pang munisipyo na kalahok sa taunang contest sa sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Ati-atihan ay nag-uwi naman ng Php15,000 consolation prize. Ang mga ito ay bayan ng Banga, Kalibo, Malinao, Nabas, at Numancia.

Ang parada ng mga hegante ay sinabayan ng mga opisyal at empleyado ng mga lokal na pamahalaan.

Napag-alaman rin na bago pa ang contest ay binigyan na sila ng subsidiya upang gamitin sa kanilang entry.

Wednesday, January 11, 2017

‘SINAOT SA CALLE’ NG DEPED, WALA NANG SOUND SYSTEM

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nasasaksihan na sa unang pagkakataon ang ‘Sinaot sa Calle’ ng Department of Education (DepEd) na wala nang sound system.
photo by Darwin Tapayan

Ayon kay DepEd Aklan division superentendent Dr.  Jesse Gomez, Hunyo palang anya ng nakaraang taon ay napagkasunduan na ang nasabing pagbabago.

Matatandaan na umani ng batikos sa mga nakalipas na taon ang kanilang sadsad sa pagdiriwang ng Ati-atihan dahil sa paggamit ng sound system. Reklamo ng ilan, hindi umano ito akma sa tradisyonal na paraan ng pagdiriwang na gumagamit lamang ng tambol o kawayan upang makaggawa ng tunog.

Pinahayag ni Gomez na ang 19 na grupong kalahok sa modern at original ati ay gumamit na ng mga tambol, lira, ‘bagtoe’ o kawayan, bao, at iba pa.

Ang presentasyon ng mga guro at estudyanteng kalahok ay nasaksihan hapon ng Miyerkules at bukas, araw ng Huwebes.

Maliban rito ay mayroon din silang hegante at float parade.

Samantala, magtatagal ang sanglinggong pagdiriwang ng Ati-atihan hanggang sa araw ng Linggo.

Monday, January 09, 2017

BACKPACKS IPINAGBABAWAL NA SA ATI-ATIHAN; GUN BAN EPEKTIBO NARIN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinagbabawal na ngayon ng mga awtoridad ang pagdadala ng backpack sa Kalibo Ati-atihan Festival zone. Ito ay ayon sa impormasyong ipinadala ni Aklan Provincial Police Office (APPO) chief Public Information Officer SPO1 Nida Gregas.

Bawal na rin anya simula sa araw ng Lunes ang pagdadala ng baril.

Isa umano ito sa mga pro-active measures ng APPO para masiguro na walang anumang Improvised Explosive Device (IED) o anumang banta ang maaring mangyari sa pagdiriwang ng Ati-atihan.

Nagpapaalala rin siya sa taumbayan na ipagbigay- alam agad sa mga kapulisan ang anumang kahina-hinalang bagahe o mga box na makita sa anumang lugar para usisain ng EOD personnel.

Hiniling pa ni Gregas sa taumbayan na maging mapagmatyag at maging security conscious.

Nabatid na nasa 1016 PNP at AFP contigenyts, force multipliers at iba pang law enforcement agencies ang itatalaga para magbigay ng maximum security coverage sa sanglinggong pagdiriwang sa bayan ng Kalibo.

SEGURIDAD SA ATI-ATIHAN FESTIVAL NAKALATAG NA - KALIBO PNP CHIEF

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinasiguro ng Kalibo PNP ang seguridad sa sanglinggong pagdiriwang ng Ati-atihan Festival.

Sa isang media forum, sinabi ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana na target nila ang zero major incident sa naturang pagdiriwang.

Sinabi rin nito na ayon sa kanilang intelligence community ay wala namang banta sa seguridad sa kasagsagan ng pagdiriwang kabilang anya ang nauuso ngayon na pagpapasabog. Sa kabila nito, hindi nila ipagnagwawalang bahala ang posibilidad na may mangyaring ganitong uri ng insidente. Katunayan anya ay ipapatupad ng Philippine Army at ng mga kapulisan ang pagsusuyod sa mga matataong lugar gamit ang kanilang EOD Team at K9 Unit.

Ipapatupad rin ng mga kapulisan ang advance security control point o check point para sa mga motoristang pumapasok sa festival zone. Ang mga control point area ay nasa Linabuan Sur at Pook, Kalibo at Bulwang, Numancia.

Ilalatag rin umano ang tatlong staging area kung saan nakahanda ang ambulansiya ng PDRRMO, tactical ambulance ng Philippine Army, fire truck at mga medics. Itatalaga ito sa may Kalibo bridge, Petron Mabini, at sa Kalibo police station.

Gagamitin rin umano ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kanilang mobile jail na mag-iikot sa mga lansangan. May 16 rin anya na police assistance center ang ipapakalat upang magbigay tulong at impormasyon sa mga tao.

Friday, December 23, 2016

MGA AKOMODASYON SA KALIBO HALOS PUNO NA SA NALALAPIT NA ATI-ATIHAN FESTIVAL

Nasa 70 porsyento na ang booking sa ngayon sa mga akomodasyon para sa taunang pagdiriwang ng Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Festival sa susunod na taon base sa Kalibo Ati-atihan Accommodation Association.

Sa isang panayam, sinabi ng president ng asosasyon na si Gerwin Garcia na inaasahan nila na magiging fully book na ang mga kuwarto na nakareserba sa highlight ng Ati-atihan.

Ang highlight ng Kalibo Ati-atihan ay magsisimula sa Enero 9 at magtatapos sa Enero 15 sa susunod na taon. Sinabi pa ni Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Festival Inc. chairman Albert Menez na magiging mas maganda at makulay ang pagdiriwang ngayong taon.

Sa Enero 9, ang highlight ay ang parade of Aklan festival showdown; sa Enero 10 ay parada ng mga estudyante at guro ng Department of Education; sa Enero 11 ay contest ng DepEd, “Sinaot sa Calle”; sa Enero 12 ay higante parade; sa Enero 13 ay parade of thanksgiving.

Samantalang sa Enero 14 ay ati-atihan contest at car show at street party, at sa Enero 15 naman ay ang religious procession at misa.


Sinabi rin ni Menez na bibisita rin ang ilang artista mula sa malaking TV network para sa isang konsyerto sa Enero 6.

Friday, December 16, 2016

ORDENANSA UKOL SA MGA GLASS BOTTLED-DRINKS, IPAPATUPAD NA SA KALIBO ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
photo (c) Energy FM file photo

Aprubado na kahapon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang ordenansa na nagbabawal sa pagbibit ng mga glass bottled-drinks sa sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Ati-atihan Festival tuwing Enero.
Sinabi ni SB Daisy Briones na confiscation at pagbabawal lamang ang mangyayari sa unang taon ng pagpapatupad nito sa 2017. Samantalang nilinaw niya na sa mga susunod na taon ay mapipilitan na ang pulisya na magpataw ng mga kaukulang penalidad kabilang na ang pagbayad ng hindi tataas sa Php1000.
Ayon naman kay SB Philip Kimpo, ipapatupad lamang anya ito sa loob ng itinakdang festival zone. Sinabi niya na positibo naman ang reaksiyon ng mga negosyante at iba pang sektor ukol rito sa isinagawa nilang committee at public hearing noong Lunes.
Matatandaan na ayon sa report ng Kalibo police station, karamihan sa mga aksidente at insidenteng naganap sa mga nakalipas na pagdiriwang ng Ati-atihan ay dulot o kinasasangkutan ng mga glass bottled-drinks.

Friday, October 21, 2016

Schedule ng 2017 Kalibo Ati-Atihan Festival, "all set" na

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.1 KALIBO
Photo: (c) Ree Dexter Engienero

Magsisimula na ang makulay na selebrasyon ng Ati-atihan. Sa mga nag-aabang, naglabas na ng opisyal na schedule of activities ang Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc. (KASAFI), ang pribadong organisayon na nag-oorganisa ng pagdiriwang na ito.

Ang tatlong-buwang Kalibo Ati-atihan Festival na tinaguriang "The Mother of all Philippine Festivals" ay pormal na magsisimula sa opening salvo bukas sa Kalibo Pastrana Park. Susundan ito ng "Kasadyahan sa Magsaysay Park" sa araw ng Sabado. Sa araw ding ito ay may invitational Sikad sa Kalibo.

Sa Disyembre, nakatakdang gawin ang ilang mga aktibidad para sa Mutya it Kalibo. Mayroon silang Fashion Show, Swimsuit Competition, at Talent Competition.

Sa Enero isasagawa ang Finals at Coronation Night ng mga Mutya. Nakalinya rin ang Car Show; Sikad, Karera, at Bisikleta Show, 5K Ati-atihan Fun Run; at Bikers Rally. Syempre hindi rin mawawala ang inaabangang Sangkalibong Tamboe: Parade Floats and Tribes; Pagdayaw kay Sr. Sto. Niño; "Sinaot sa Calle"; Higante contest; Sadsad Pasaeamat; at ang maingay at makulay na Street Dancing contest ng mga tribal big, small, balik ati, modern groups at individual.


Kasabay sa pagdiriwang na ito ng kultura, hindi maaalis ang likas na debosyon at pananampalataya ng mga tao kay Sto. Niño, kaya naman nakalinya rin ang mga religious activity sa buwang ito. Magtatagal ang pagdiriwang sa kaarawan nito sa Enero 15.

Thursday, October 20, 2016

30 kandidata ng Ms. Earth 2016 makikisaya sa Ati-Atihan Opening Salvo

NI DARWIN TAPAYAN AT JODEL RENTILLO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Makikisaya sa ingay at makulay na “sadsad” ng opening salvo ng Ati-atihan 2017 ang mga naggagandahang 30 kandidata ng Miss Earth pageant mula sa iba-ibang bansa sa darating na Biyernes.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc. Chairman Albert Meñez, sinabi niya na darating umano ang mga naturang kandidata mula sa iba-ibang nasyon sakay ng isang sky jet na lalapag sa Caticlan airport at bibiyahe patungong Kalibo. Bibisitahin nila ang Bakhawan Eco-Park para magtanim ng mga bakhawan roon.

Sa hapon ay nakatakdang magmotorcade sila sa upang kumaway sa mga tao dito sa Kalibo lalo na sa mga estudyante sa elementarya na madadaanan ng kanilang sasakyan. Bababa ito sa Pastrana Park kung saan sila sasalubungin ng maingay na tambol at makulay na mga grupo ng ati-atihan. Susundan ito ng “sadsad” o street dance ng 42 tribal, modern, at balik ati groups na kalahok sa opening salvo.

Pagkatapos ay rarampa sila sa maiksing programa na isasagaw sa Pastrana park. Pormal na ring ipakikilala ang 16 mga kandidata ng Mutya it Kalibo. Pagkatapos nito ay didiretso na ng Boracay ang mga kandidata para sa swimsuit competition. Kinabukasan ay magkakaroon sila ng coastal clean-up at mag-e-enjoy sa mga water sports activity. Aalis sa probinsiya sakay ng eroplano ang mga kandidata gabi ng Sabado.

Dasal ni Meñez na maging maganda ang panahon sa mga araw na ito lalo at may bagyo ngayon sa bansa. Nagpapasalamat naman ito sa mga isponsor lalo na kay SB Juris Sucro na naging daan para anya makarating dito sa probinsiya ang mga kandidata.

Tuesday, October 11, 2016

Opening salvo ng 2017 Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan, inaabangan na

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) Rommel Bangit via Flickr

Umaabot sa 42 tribo ang magsa-sadsad sa mga pangunahing kakalsadahan sa bayan ng Kalibo sa Oktubre 22 sa inaabangang Tamboe Salvo, ang unang pasabog sa pagbububkas ng selebrasyon ng 2017 Kalibo Sto. Niño Ati-atihan.

Ayon kay Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Foundation, Inc. (KASAFI) chairman Albert Meñez, sa Oktubre 21 ay bubuksan na nila kasama ang lokal na pamahalaan ng Kalibo at probinsya ng Aklan ang taunang selebrasyon ng Mother of All Festivals.

Dito ay magpaparada ang 16 finalists ng Mutya It Kalibo Ati-Atihan 2017 pati na rin ang 31 candidates ng 2017 Miss Earth International.

Inaasahang magbibigay din ng mensahe sina Gov. Florencio Miraflores at Cong. Carlito Marquez.

Susundan ito ng pre-launch ng Kalibo Ati-Atihan Album Records at pormal na pag-aanunsyo ng pagbubukas ng 2017 Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival.

Sa gabi naman ng Oktubre 22 ay gaganapin ang White Party and DJ Battle sa Kalibo Magsaysay Park kung saan magpapakita ng kanilang galing ang mga disc jockeys na sina DJ Santi Santos, DJ Angel Villorente, at DJ Jeano Zamora at dadaluhan din nina MC Yang ng Manila at Naughtiee Jerry ng Iloilo.