Friday, March 17, 2017

NGCP PANIT-AN NABAS TRANSMISSION LINE PLANONG MAKUMPLETO SA ABRIL

Plano ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na makumpleto ang Panit-an-Nabas 138 kilovolt transmission line project alinsunod sa 10-year transmission development plan ngayong Abril.

Sinabi ni NGCP Region 6 communication officer Michelle Vicera na ang bagong mga transmission tower makapaghahatid ng sapat na suplay ng kuryente sa buong isla ng Panay. Kaya rin umano nitong manatili sa bagyo na may lakas ng hanging aabot sa 270 kilometro bawat oras.

Nabatid na una nang nasira ang nasa 127 steel tower structure ng NGCP sa Aklan dahil sa bagyong Yolanda noong 2013. Matapos ang pananalasa ng bagyo, inayos at nagtayo ng temporaryong transmission line ang NGCP mula Panit-an, Capiz patungong Nabas substation para sa tuloy-tuloy na suplay ng elektrisidad ng AKELCO.

Pinaliwanag niya na ang isang oras na mga power interruption mula als-5:00 hanggang alas-6:00 ng umaga tuwing Sabado at Linggo ay dahil sa rerouting ng AKELCO power substations (Andagao, Boracay, Altavas, Caticlan at Lezo) hanggang San Jose, Antique at Panit-an, Capiz NGCP substations.

Posible umanong magtagal ang mga power interruption na ito hanggang sa buwan ng Abril.

No comments:

Post a Comment