Saturday, March 18, 2017

LGU MALAY POSIBLENG KASUHAN DAHIL SA HINDI MAAYOS NA TAMBAKAN NG BASURA SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ang lokal na pamahalaan ng Malay dahil sa hindi maayos na tambakan ng basura sa isla ng Boracay.

Ito ay kung hindi agad mailipat ang mga natitirang residual waste sa centralized material recovery facility (MRF) sa brgy. Manocmanoc, Boracay sa sanitary landfill sa brgy. Cabulihan, Malay.

Ayon kay Aklan provincial environment and natural resources officer (PENRO) Ivene Reyes, ang utos na ito ay kasunod ng kanilang isinagawang inspekyon dahil sa mga reklamo sa masangsang na amoy mula sa centralized MRF.

Iniutos rin ni Reyes sa lokal na pamahalaan ng Malay na itigil at isara ang operasyon ng walang habas na pagtatambak ng basura at paglilibing ng biodegradable waste sa MRF.

Paliwanag ni Reyes, wala umanong sistemang sinusunod sa pagtatapon ng mga basura sa MRF at sa pangungolekta ng mga ito.

Kaugnay rito, nangako si mayor Ceciron Cawaling na aaksiyunan nila ang problema sa loob ng isang buwan.


No comments:

Post a Comment