Showing posts with label Energy FM. Show all posts
Showing posts with label Energy FM. Show all posts

Friday, February 10, 2017

MOTORSIKLO SUMALPOK SA VAN SA BALETE, AKLAN, 1 PATAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Shan Tabz photo
Binawian ng buhay ang isang 38 anyos na lalaki makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang nakaparkeng van sa Brgy. Poblacion, Balete.

Kinilala ang biktima na si Roger Barrientos, ng Brgy. Arcanghel Sur, Balete, na nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Sugatan rin ang kanyang tiyuhin at driver ng motorsiklo na si Gilbert Cuales, 52, residente rin ng Brgy. Arcanghel, na patuloy na ginagamot sa provincial hospital.

Matatandaan na Martes ng gabi, papauwi na umano ang mga biktima mula sa bayan makaraang magtaya ng lotto nang makasalubong nila ang nakakasilaw na ilaw ng kasalubong na sasakyan. Dito umano niliko ng driver ang motorsiklo at hindi nakitang may nakaparkeng isang van dahilan para sumalpok ito doon.

Binawian ng buhay si Roger Huwebes dakong 10:20 ng gabi habang ginagamot sa surgical intensive care unit ng provincial hospital.

Samantala, masama ang loob ng nanay ng namatay na biktima na driver ng ambulansiya na hindi isinakay ang kanyang anak upang isugod sa ospital maliban sa tiyuhin nito. Sinabi umano niya na patay na ang biktima at masikip na para isabay pa sa ambulansiya.

Dagdag pa ni Nanay Elsie, ilang minuto pa ang lumipas bago siya maisugod sa ospital sakay ng patrol ng Balete PNP station.

Friday, January 20, 2017

3 BAHAY SA ISLA NG BORACAY NASUNOG!

 Ulat ni Archie Guray Hilario, EnergyFm107.7 Kalibo

filler only
Tinupok ng apoy ang dalawang bahay samantalang partially burned naman ang isa pa sa nangyraing sunog sa Sitio Hagdan, Brgy Yapak sa isla ng Boracay, Miyerkules dakong alas-7:00 ng gabi.

Sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) nagmula ang apoy sa tahanan ni Jonelyn Delos Reyes, at tumawid sa dalawa pang bahay na pagmamay-ari ng mga magkakapatid na sina Joralyn Esto at Anecito Delos Reyes Jr.

Agad namang rumesponde ang mga bombero sa lugar at banda alas-8:10 na ng gabi nang idiklarang naapula ang apoy

Ang mga bahay nina Jonelyn at Anecito ay totally damaged, pagdeklara ng imbestigador.

Sa inisyal na report, nasa P700,000 ang tinatayang pinsala ng nasabing sunog.


Matatandaan na noong Lunes, may nangyari ring sunog sa So. Tulubhan, Brgy. Manocmanoc sa nasabing kung saan apektado rito ang isang apartment, isang bahay at isang bodega. Tinatayang nasa P600,000 naman ang pinsala ng nasabing sunog.

Inaalam pa ngayon ng BFP-Boracay ang mga dahilan ng parehong sunog.

LGU MALAY HINILING SA KAPITOLYO ANG PAG-TURN OVER NG BORACAY ROAD

main road Brgy. Balabag by Darwin Tapayan
Hinihintay nalang ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay ang sagot ng provincial government kaugnay ng kanilang hiling na ibigay sa kanila ang pamamahala sa circumferential road ng Boracay.

Ayon sa may akda ng resolusyon na si Sangguniang Bayan member Floribar Bautista, kayang-kaya umanong pamahalaan ng Malay ang nasabing kalsada.

Paliwanag ng lokal na mambabatas, ang pagkakaroon anya ng total control and management sa circumferential road ay magbibigay-daan sa kanila upang matugunan ang suliranin sa trapiko sa Boracay.

Ang panukalang ito ay sinang-ayunan naman ng lahat ng konsehal.

Saklaw ng Boracay circumferential road ang mga kalsada sa mga barangay Yapak, Balabag at mga sitio Cagban at Tambisaan sa Brgy. Manocmanoc.

Wednesday, January 18, 2017

ASIA’S FIRST GRANDMASTER TORRE NAGPAKITANG GILAS SA MGA ATLETANG AKLANON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

1st day of the tournament. By Darwin Tapayan
Nagpakitang gilas sa mga atletang Aklanon ang kinikilalang Asia’s First Grand Master sa larangan ng chess Eugene Torre sa isang mall dito sa bayan ng Kalibo araw ng Martes. Siya ay sumabak sa 10-chess board simultaneous exhibition bilang bahagi ng 7th Peter I. Kimpo Memorial Chess Tournament.

Si Torre ay narito sa Kalibo upang saksihan ang tatlong araw na National Open Chess Tournament Championship at National Age Group Chess Championship mula Miyerkules hanggang Biyernes.

Ang larong ito ay nilahukan ng mga atleta mula sa iba-ibang bahagi ng bansa.

Sa kanyang mensahe sa pagsisimula ng tournament, sinabi ni Torre sa mga batang atleta na maging positibo sa paglalaro ng chess at sa buhay.

Samantala, ayon kay Kalibo Sangguniang Bayan member Philip Kimpo Jr., maliban sa turismo, edukasyon at iba pang bagay ay isinusulong rin anya nila ang “sports tourism” sa lalawigan.

Sinabi pa ng lokal na mambabatas  na ang Kimpo Chess Tournament ay isa nang national event na kinikilala ng National Chess Federation of the Philippines. Dahil anya rito mas marami pa ang bibisita sa lalawigan na malaking bagay upang mapalago ang lokal na ekononimiya.

Si SB Kimpo ay pamangkin ni Peter Kimpo, isang mahusay na manlalaro at mentor ng mga kabataan sa chess.

MANDATORY DRUG TEST SA MGA TRABAHANTE SA BORACAY ISINUSULONG

by Darwin Tapayan
Isinusulong ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay ang resolusyon  na kinakailangang isailalim sa mandatory drug test ang mga manggagawa sa Isla ng Boracay.

Ayon kay SB Member Dante Pagsugiron, may akda ng nasabing panukalang batas, ito ay follow up sa mandatory drug testing sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Malay
na una na ngang naaprubahan sa konseho.

Ang resolusyon ay inirefer sa Committee on Rules at Committee on Tourism para sa pagbusisi sa 3rd regular SB session araw ng Martes.


Samantala, umangal naman ang ilang mga trabahante sa isla kaugnay ng nasabing resolusyon, sinasabing dagdag gastusin lamang ito para sa kanila.

ZERO MAJOR INCIDENT SA ATI-ATIHAN – APPO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Walang anumang malalaking kaso ng insidente ang naitala sa Ati-atihan.

Ati-atihan 2017 by Darwin Tapayan
Ayon kay Aklan Provincial Police Office chief public information officer Nida Gregas, ginamit umano nila ang innovative strategy para masiguro ang seguridad at kaligtasan sa pagdiriwang ng Ati-atihan ngayong taon.

Nakipagtulungan ang mga kapulisan mula sa Regional Public Safety Battalion 6 at ang mga provincial offices ng Capiz, Iloilo at Antique para sa pagdiriwang na ito.

Nagpasalamat siya sa mga Philippine army, mga tanod, coastguard, at iba pang law enforcers.

Pinasalamatan rin niya ang mga katuwang nila sa emergency response kabilang na ang provincial at municipal disaster risk reduction ang management offices, Provincial Health Office, mga pribado at pampublikong hospital at Red Cross.

Malaki rin anya ang naging responsibilidad ng media sa pagbibigay impormasyon sa taumbayan kaugnay ng mga ipinapatupad nilang mga batas kaugnay ng pagdiriwang. Kabilang dito ang pagbabawal ng bagpack, pagbibitbit ng babasaging bote, mga patalim, at pagbibitbit ng baril.

Monday, January 09, 2017

BACKPACKS IPINAGBABAWAL NA SA ATI-ATIHAN; GUN BAN EPEKTIBO NARIN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinagbabawal na ngayon ng mga awtoridad ang pagdadala ng backpack sa Kalibo Ati-atihan Festival zone. Ito ay ayon sa impormasyong ipinadala ni Aklan Provincial Police Office (APPO) chief Public Information Officer SPO1 Nida Gregas.

Bawal na rin anya simula sa araw ng Lunes ang pagdadala ng baril.

Isa umano ito sa mga pro-active measures ng APPO para masiguro na walang anumang Improvised Explosive Device (IED) o anumang banta ang maaring mangyari sa pagdiriwang ng Ati-atihan.

Nagpapaalala rin siya sa taumbayan na ipagbigay- alam agad sa mga kapulisan ang anumang kahina-hinalang bagahe o mga box na makita sa anumang lugar para usisain ng EOD personnel.

Hiniling pa ni Gregas sa taumbayan na maging mapagmatyag at maging security conscious.

Nabatid na nasa 1016 PNP at AFP contigenyts, force multipliers at iba pang law enforcement agencies ang itatalaga para magbigay ng maximum security coverage sa sanglinggong pagdiriwang sa bayan ng Kalibo.

Tuesday, January 03, 2017

MISTER TINAGA NI MISIS SA MALINAO, AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinugod sa provincial hospital ang isang 51-anyos na mister makaraang tagain ng kanyang misis sa ulo sa Brgy. Sugnod, Malinao.

Salaysay ng biktimang si Roberto, 51 anyos ng nasabing lugar, kakarating lang umano nila sa bahay nang tagain siya ni misis.

Galing umano silang pareho sa inuman sa bahay ng kamag-anak nila nang magkaroon ng pagtatalo habang nasa daan.

Hindi akalain ni mister na mauwi ang kanilang diskusyon sa pananaga ng misis.

Wala namang balak magreklamo ang biktima laban sa asawa at aayusin na lang umano nila ang kanilang problema.

Monday, January 02, 2017

20-ANYOS NA HABAL-HABAL DRIVER BINUGBOG, SINAKSAK NG 3 KATAO SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naka-confine parin ngayon sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang isang 20-anyos na habal-habal driver makaraang saksakin at bugbugin sa Isla ng Boracay besperas ng Bagong Taon.

Kinilala ang biktima na nagtamo ng sugat ng pananaksak sa kanang balikat na si Jay-F Dela Cruz at residente ng Brgy. Cawayan, New Washington pero nagtratrabaho sa Boracay.


Ayon sa ulat ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa pamamagitan ng imbestigador na si PO1 Allan Zamora, nangyari umano ang insidente dakong 11:45 ng hating gabi.

Papauwi na umano ang biktima nang maparaan ito sa isang eskeneta na may nag-iinuman sa Brgy. Bantud, Manocmanoc kung saan siya tinambangan ng tatlo. Dito binugbog ng tatlo ang lalaki at sinaksak.

Maswerteng nakatakbo ang biktima at nakahingi ng tulong. 

Sa pagresponde ng pulisya, ay naaresto ang tatlo na sina, John Paul Dela Cruz, 21, Christian Dela Torre, at Paul Magan, 22, pawang mga residente ng Boracay. Ang mga suspek ay posibleng maharap sa kasong frustrated murder.

KASO NG FIRE-CRACKER-RELATED INCIDENT SA PAGSALUBONG NG TAONG 2017, UMAKYAT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umakyat na sa 14 na kaso ng firecaraker-related incident ang naitala ng Aklan Provincial Health Office (PHO) mula Disyembre 21 hanggang Enero 1, mas mataas ito kumpara sa 10 kaso noong nakaraang  taon.

Napag-alaman na karamihan sa mga biktima ay isinugod sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital. Matapos mabigyan ng kaukulang lunas ay idineklara namang out-patient ang lahat ng mga ito.

Ayon pa sa report, ang bayang ng Kalibo at New Washington ay may pinakamataas na bilang ng mga firecracker-related incident na may tig-aapat bawat  bayan na sinundan naman ng Banga na mayroong dalawa.

Sa mga kasong ito, 13 sa mga biktima ay lalaki at isa naman ang babae.

Nabatid rin na karamihan sa mga dahilan ng mga sakunang ito ay kwitis na aabot sa siyam, samantalang ang ipinagbabawal na piccolo at triangle ay may tigda-dalawang kaso at isang kaso ng ipinagabawal rin na sinturon ni Judas.

Karamihan sa mga biktimang ito ay 15 pataas na may 10 kaso na nabiktima ng paputok habang ito ay kanilang hawak-hawak.

Ang pinakabata rito ay siyam na taong gulang mula sa Numancia at ang pinakamatanda naman ay 72-anyos mula Kalibo.

Wala namang naitalang stray bullets at pagkalunok ng paputok ang naiulat sa lalawigan.

Ayon sa pamunuan ng PHO, posible pa umanong madagdagan ang bilang na ito dahil magpapatuloy pa ang kanilang pagmo-monitor hanggang Enero 5.

Saturday, December 31, 2016

NASA 29 FOREIGNER NAARESTO SA PAGTUTULAK NG DROGA SA BORACAY

photo by JAG
Ilang mga dayuhan ang naaresto sa isla ng Boracay sa mga buy-bust operation sa iligal na droga mula Hulyo hanggang Disyembre nitong taon.

Nabatid sa ulat ng Aklan Provincial Police Office na nahuli ng mga awtoridad ang nasa 20 Taiwanese, pitong Chinese, at dalawang British.

Matatandaan na pinaigting ng Philippine National Police ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga alinsunod sa pangako ni pangulong Rodrigo Duterte na masugpo ang iligal na droga sa bansa sa ilang buwan.

Gayunman, ayon kay Flosemer Gonzales ng Provincial Prosecutor’s Office, pinahintulutan anya ng korte ang 15 Taiwanese at Chinese national na naaresto na makapagpiyansa.

Samantal, sa isang panayam, pinaabot naman ni Sangguniang Panlalawigan member Nemesio Neron ang kanyang pasasalamat sa administrasyong Duterte sa kabila nito pinahayag niya na hindi naging malinaw ang mga pulisya sa kanyang kampanya at hindi perpekto.

Nanawagan rin siya sa PNP na bigyang tugon ang mga isyu na inuugnay sa iligal na droga sa bansa. 
Si Neron ay naglingkod na police commander sa Aklan at Valenzuela city bago sumabak sa politika.

Friday, December 30, 2016

31-ANYOS NA LALAKI BINARIL NG PULIS SA BORACAY

ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang isang 31-anyos na lalaki makaraang paputukan ng baril ng isang police officer ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) dakong alas-11 ng gabi sa Brgy. Yapak, Isla ng Boracay.

Sa report ng Boracay police station, kinilala ang biktima na si Dennis Venus, 31-anyos at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa opisyal na salaysay ni PO1 Christian Kenneth Senon, napadaan umano siya sa lugar sakay ng motorsiklo nang mapansin na nagwawala ang lalaki at may bitbit na itak. Sinubukan umano niyang patahanin ang biktima at para usisain ang nangyari pero nilapitan siya nito.

Hinamon umano siya ng biktima na nasa ilalim ng kalasingan na ilabas ang kanyang baril makaraang magpakilala siyang pulis. Dahil nilapitan umano siya ng biktima at sa pangamba na may gawing masama ay agad niya itong pinaputukan ng tatlong beses.

Nagtamo ng tama sa kanang hita at kaliwang pigi ang biktima at isinugod sa isang pribadong hospital dito sa bayan ng Kalibo.

Nasa kustodiya ngayon ng mga kapulisan si Senon habang ang imbestigasyon sa kaso ay umuusad pa.

Thursday, December 29, 2016

PAGDREDGE SA AKLAN RIVER NAGSIMULA NA SA KABILA NG MGA PAGTUTOL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsimula na umano ang dredging ng Santarli (STL) corp. sa baybayin malapit sa So. Libuton, Brgy. Bakhaw Norte. Ito ang salaysay ng isa sa mga council member ng nasabing barangay sa Kalibo municipal police station.

Energy FM Kalibo file photo
Ayon kay kagawad Duvill Duran, noong Disyembre 26 umano ng alas-7:00 ng gabi ay nagsimulang mag-dredge ang barko ng STL.  Sinubukan anyang pigilan ng mga taong barangay ang nasabing operasyon gayunman ay nagpatuloy parin sila.

Dagdag pa ng opisyal na dakong alas-6:00 ng gabi naman ng Disyembre ay nagsagawa rin sila ng parehong operasyon sa nasabing lugar. Dahil rito, nabahala umano sila sa aksiyon na ito samantalang huli na anya nagpaabot ng sulat ang STL sa kanilang barangay hinggil sa operasyon.

Sa isang panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni STL project engineer Roger Vergara na dry-run lamang anya ang nasabing operasyon at may pahintulot ito mula sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Sa kabilang dako, pinabulaan ni Engr. Roger Esto, tagapagsalita ng Management Monitoring Team, na may kaukulang permiso ang ginawang pagkilos ng dredging vessel ng STL. Katwiran anya ng STL ay kailangan nilang itabi ang barko dahil sa inaasahang sama ng panahon at para magawa ito ay kailangan nilang magdredge.

Ikinababahala ng mga taga-Bakhaw Norte, isa sa mga apektadong lugar ng isasagawang dredging project sa Aklan River ang posibilidad na pagguho ng kanilang lupa. Ang kanilang hiling ay mabigyan muna sila ng proteksyon kabilang na ang pagsasagawa ng revetment wall bago ang simula ng proyekto.

Saturday, December 24, 2016

PATAY NA PAWIKAN NAPADPAD SA BAYBAYIN NG TAMBAK, NEW WASHINGTON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Not an actual photo. Lifted from the net.
Pinagkaguluhan ng mga residente ang isang pawikan na natagpuang palutang-lutang sa baybayin ng Brgy. Tambak, New Washington noong isang araw at naagnas na.

Sa ulat ng New Washington PNP station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang konsehal ng barangay sa lugar hinggil rito dakong alas-4:45 ng hapon.

Agad namang nagtungo sa lugar ang pulisya at humingi ng tulong ng Municipal Agriculture Office upang madokumento ang pangyayari.

Nabatid na ang pawikan ay may bigat na nasa 25 kilos at posible umanong nasa isang linggo nang patay. Samantala, posible umanong namatay ang pawikan dahil sa katandaan.

Ang hayop ay inilibing sa tabing-baybayin upang maayos na mai-dispose. 

Napag-alaman na ang pawikan ay isang uri ng hayop-dagat na nanganganib nang maubos.

2 TRICYCLE NAGKASAGIAN; DRIVER HINABOL NG ITAK NG KAPWA DRIVER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ang tinagang sasakyan at kargang yero.
Nabangga ang tricycle, sinuntok, hinabol ng itak, pinagtataga ang tricycle at ang kargang yero saka tinakbuhan ng hindi pa nakikilalang suspek.

Ito ang reklamo ng tricycle driver na si Regie Natabio, 35 anyos at residente ng Brgy. Mamba, Madalag sa Kalibo police station makaraang nabangga umano ng isa pang tricycle driver ang harapang gulong ng menamehong pampasahero tricycle.

Sinabihan umano ng biktima ang suspek na mag-ingat gayunman ay nagalit ito at sinuntok siya ng makalawang beses sa mukha. Gumanti naman ang biktima sa hindi pa nakikilalang suspek gayunman hindi niya inaasahan na kukuha ito ng dalang itak at hinabol ang biktima.

Dahil hindi naabutan ang biktima, ang tricycle nito ang napag-initan ng suspek kaya niya ito tinaga dahilan para mabasag ang salamin sa harapan nito maging ang yerong karga sa itaas ng sasakyan ay tinaga rin. Saka mabilis na tumakas ang suspek sakay ng tricycle patungo sa hindi na nalamang direksyon.

Maswerte namang nakunan ng litrato ng mag-inang pasahero at may-ari ng nasirang yero ang plate number ng sasakyan na QT-3787.

Iniimbestigahan na ng traffic investigation section ng Kalibo PNP station ang nasabing insidente.

Friday, December 23, 2016

AKELCO NASA RED ALERT STATUS NGAYONG KAPASKUHAN

Naka-red alert ngayon ang Aklan Elecrtric Cooperative (AKELCO) sa panahon ng kapaskuhan upang masiguro na ang suplay ng kuryente ay maging sapat para sa buong lalawigan, lalu na sa Isla ng Boracay.

Sa isang panayam, sinabi ni AKELCO assistant general manager for engineering Engr. Joel Martinez na nagtalaga na sila ng 25 mga tauhan sa isla na magtratrabaho sa loob ng 24/7 upang seguraduhin ang power reliability.

Sinabi pa ni Martinez na sila ay inabisuhan na na maging alerto upang rumesponde sa ano mang kaso ng major power failure.

Matatandaan na sa mga nakalipas na buwan, ang AKELCO ay binabatikos dahil sa mga sunud-sunod na kaso ng mga power failures. Ilang mga resort ang nagrereklam
o na nawalan ng milyon-milyong halaga ng pera dahil sa pagkasira ng kanilang mga appliances dala ng palyadong kuryente.

Pinasiguro naman ni Martinez na ginagawa nila ang lahat ng makakaya upang masiguro ang maayos na suplay at daloy ng kuryengte. Giniit rin niya na isa umano sa dahilan ng pagpalya ng kuryente ay dahil sa malakas na ihip ng hangin sa isla.

Hinikayat rin niya ang mga member-consumers na kung maaari ay iulat kaagad ang mga problema sa kanilang lugar upang maaksyunan ng kanilang tanggapan. Ngayon kasing Pasko at Bagong Taon ay inaasahan ang mataas na demand ng elektrisidad.

Wednesday, December 21, 2016

26-ANYOS NA LALAKI NALUNOD, PATAY

ulat nina Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by PDRRMO-Aklan
Patay na nang matagpuan ng mga rescuer ang isang 26-anyos na lalaki matapos malunod at inanod ng malakas na alon kahapon ng umaga sa Brgy. Bakhaw Norte.

Ang biktima ay kinilalang si Rafael Tacas, 26 anyos at residente ng Brgy. Pook, Kalibo.

Ayon sa salaysay ng kanyang bayaw na si Deo Salabante na nagtungo umano sila kasama ang biktima sa baybayin ng Bakhaw Norte upang manguha ng kabebe dakong alas-9:30 ng umaga.

Habang nasa kasagsagan ng pangunguha ng kabebe ay nalunod ang biktima at tinangay ng malakas na alon . Maswerte namang nakaligtas si Deo pero hindi nya na natulungan ang biktima dahil sa bilis ng pangyayari.

Samantala nagsagawa ng rescue operation ang mga MDRRMO-Kalibo kasama ang PDRRMO-Aklan, at natagpuan nila ang bangkay ng biktima sa Brgy. Lambingan beach, Pook dakong alas-5:30 na ng hapon.

Tuesday, December 20, 2016

PROBINSIYA NG AKLAN NAKATANGGAP NG 5 BAGONG AMBULANSYA MULA SA PCSO

photo by PIA-Aklan
Nakatanggap ng lima na bagong ambulansiya ang lalawigan ng Aklan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang mga ito ay tinanggap ng mga opisyal at kinatawan ng mga lokal na pamahalaan ng Tangalan, Malinao, Ibajay at Buruanga. Nakatanggap rin ang Aklan Cooperative Mission Hospital.

Ang turn-over ceremony ay isinagawa kahapon sa ABL Sports Complex ay pinangunahan nina PCSO General Manager, Alexander F. Balutan with Atty, Reena Yason at PCSO-Kalibo Manager Mon Alipao.

SP KLAN HANGAD NA MAGAWARAN NG ISO CERTIFICATION

Naghahangad ngayon ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Aklan na magawaran ng International Standardization Organization (ISO) accreditation.

Ito ang ipinahayag ni vice governor Reynaldo Quimpo sa kasagsagan ng Christmas party ng SP na idinaos sa isang restaurant sa Brgy. Andagao, Kalibo kahapon ng gabi. Sinabi rin niya na ang kanyang asawa at dating vice governor Gabrielle Calizo-Quimpo ay nagkikipag-ugnayan rin para sa ISO certification.

Ayon pa kay Quimpo na nagsasagawa rin sila ng mahigpit na ugnayan sa Anglo Japanese American para sa pag-comply ng mga kinakailangang dokumento para sa sertipikasyon.

Bilang bahagi ng requirement, ang sanggunian ay nakatakdang mag-inagura ng bagong SP building. Inaasahan na ito ay magiging isang modernong legislative office.

Hinikayat rin ni Quimpo ang mga lokal na media na makibahagi sa lahat ng mga gawain ng sanggunian upang magkaroon ng isang transparent na pamamahala at ganoon rin ay matulungan ang taumbayan sa probinsiya.

Ikonokonsidera ni Quimpo ang media bilang kanilang kaibigan sa mga ng pag-unlad.

Monday, December 19, 2016

MGB: WALANG MINERAL NA ILULUWAS NA SAND AND GRAVEL MULA SA AKLAN RIVER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Walang anumang kasamang mineral ang kukuning sand and gravel mula Aklan river kaugnay ng nakatakdang pag-dredge ng ilog. Ito ang nilinaw ng mga kinatawan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa nakaraang pagtitipon ng Multi-partite Team (MMT) kasama ang mga opisyal at ilang residente ng mga apektakdong barangay ng nasabing proyekto.

Sinabi rin ng MGB na hindi nila pahihintulutan na may makalabas na anumang uri ng mamahaling mineral na makakasama sa iku-quarry na sand and gravel sa isasagawang dredging ng Santarli company sa Aklan river kaugnay ng flood mitigation project ng gobyerno.

Nanindigan rin ang MGB na ang pagsusuring ginawa nila sa sand and gravel mula sa ilog ang lehitimo at opisyal. Kinatigan naman ito ng mga miyembro at opisyal ng MMT makaraang kuwestiyon ng ilan ang pagsusuri ng naturang ahensiya. Nagdududa kasi ang ilang residente ng mga apektadong barangay na baka may yaman sa iluluwas na mga buhangin at bato patungong Singapore.

Samantala, napagkasunduan sa nasabi ring pagpupulong na maging bahagi na ng MMT ang mga kinatawan ng walong apektadong barangay at makakasama sa isasagawang a-stake survey ng Santarli company sa ilog. Ang a-stake survey ay kakailanganin upang makapagbuo ng desinyo at plano ng dredging project na siyang isusumete sa DENR at DPHW.

Ang MMT ang siyang magbibigay ng signal kung pwede ng magsimula ang proyekto.


Matatandaan na dumating na ang barko dito sa probinsiya mula Singapore na siyang gagamitin sa pagdredge ng ilog.