ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Nagsimula na umano ang dredging ng Santarli (STL) corp. sa baybayin malapit sa So. Libuton, Brgy. Bakhaw Norte. Ito ang salaysay ng isa sa mga council member ng nasabing barangay sa Kalibo municipal police station.
Energy FM Kalibo file photo |
Ayon kay kagawad Duvill Duran, noong Disyembre 26 umano ng alas-7:00 ng gabi ay nagsimulang mag-dredge ang barko ng STL. Sinubukan anyang pigilan ng mga taong barangay ang nasabing operasyon gayunman ay nagpatuloy parin sila.
Dagdag pa ng opisyal na dakong alas-6:00 ng gabi naman ng Disyembre ay nagsagawa rin sila ng parehong operasyon sa nasabing lugar. Dahil rito, nabahala umano sila sa aksiyon na ito samantalang huli na anya nagpaabot ng sulat ang STL sa kanilang barangay hinggil sa operasyon.
Sa isang panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni STL project engineer Roger Vergara na dry-run lamang anya ang nasabing operasyon at may pahintulot ito mula sa Department of Public Works and Highway (DPWH).
Sa kabilang dako, pinabulaan ni Engr. Roger Esto, tagapagsalita ng Management Monitoring Team, na may kaukulang permiso ang ginawang pagkilos ng dredging vessel ng STL. Katwiran anya ng STL ay kailangan nilang itabi ang barko dahil sa inaasahang sama ng panahon at para magawa ito ay kailangan nilang magdredge.
Ikinababahala ng mga taga-Bakhaw Norte, isa sa mga apektadong lugar ng isasagawang dredging project sa Aklan River ang posibilidad na pagguho ng kanilang lupa. Ang kanilang hiling ay mabigyan muna sila ng proteksyon kabilang na ang pagsasagawa ng revetment wall bago ang simula ng proyekto.
No comments:
Post a Comment