Showing posts with label SB Kalibo. Show all posts
Showing posts with label SB Kalibo. Show all posts

Wednesday, February 08, 2017

TINIGAW RIVERBANKS KABILANG NA SA OFFICIAL TOURISM DESTINATIONS NG AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) SB Kimpo Jr.
Ibibilang na sa opisyal na mga tourism destinations ng Kalibo at lalawigan ng Aklan ang ‘picturesque riverside area’ ng Purok 3, Brgy. Tinigaw partikular ang mabuhanging bahagi ng riverbanks.

Sinang-ayunan ng mga miyembro ng Sanggunian ng Kalibo ang resolusyon para rito sa isinagawang fifth regular session. Sinasaad sa resolusyong ito ang kahilingang pormal na isama ang “Tinigaw Riverbanks” sa opisyal na listahan ng tourism destination ng Kalibo Tourism and Cultural Affairs Division (TCAD).

Hinihiling rin sa resolusyong ito ang pagsama sa listahan ng tourism destination ng Aklan Provincial Tourism Office (APTO) para sa paglalaan ng mga kaukulang suporta para sa mga posibleng tourism events dito.

Ayon sa may akda na SB Philip Kimpo Jr., mainam ito bilang racetrack sa motocross at bike competition, katunayan una na itong pinagdausan ng invitational cup Mayo noong 2016.

Maliban rito magagamit rin anya ang revetment wall sa paligid para sa jogging, biking park at iba pang mga aktibidad.

Pahayag pa ng lokal na mambabatas, ang nabanggit na lugar kapag na-ipromote ng mabuti at na-develop ay malaking tulong sa ekonomiya ng Kalibo at makakapagbigay ng mga hanapbuhay sa mas marami.

Saturday, January 28, 2017

SMOKING ORDINANCE NG KALIBO I-A-ANUNSIYO MAGING SA MGA EROPLANO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

I-a-anunsiyo rin sa mga eroplanong lumalapag sa Kalibo International Airport ang anti-smoking ordinance ng bayan ng Kalibo bilang bahagi ng kampanya at implementasyon nito.

by SkyscraperCity
Ito ay makaraang ipasa ng Sangguniang Bayan ang proposed resolution no. 117 na humihiling sa mga eroplanong bumibiyahe sa Kalibo na mag-play ng informative in-flight advisory bago lumapag sa nasabing airport.

Sinabi ng may akda na si SB Philip Kimpo Jr. sa fourth regular session ng Sanggunian, malaking bagay ito upang mabigyan-kaalaman ang mga dayu tungkol sa ipinapatupad na ordenansa.

Nabatid mula sa lokal na mambabatas na ito rin ang pamamaraan ng ilang eroplanong bumibiyahe sa Davao kung saan ipinapatupad rin ang anti-smoking ordinance.

Maliban rito, hinihiling rin ng resolution sa Civil Aviation Authority of the Philippines (KAAP) – Kalibo na isama rin sa mga gagawing nilang signages ang “Smoke-Free Municipality”.

Una nang na-ireport na sa buwan ng Marso ay posibleng striktong nang ipatupad ang pagbabawal sa paggamit, pagbebenta, at pag-a-advertise ng sigarilyo at viping sa mga pampublikong lugar at paglalaan ng kaukulang penalidad sa mga lalabag rito.

Monday, January 23, 2017

PAGPAPANGALAN NG BAKHAWAN ECO-PARK SA YUMAONG SI ATTY. QUIMPO, ISINUSULONG SA SB KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang panukalang pagsasapangalan ng Bakhawan Eco-Park sa New Buswang Kalibo sa yumaong si Atty. Allen S. Quimpo.
by Trip Advisor

Sa draft proposed resolution no. 105 na inihain nina SB member Mark Quimpo at Philip Kimpo Jr. sa 2nd regular session ng Sanggunian, nais nilang tawaging “Allen Salas Quimpo Bakhawan Eco Park” ang nasabing lugar.

Ang panukala umanong ito ay upang bigyang pagkilala ang dating leader sa hindi mapapantayang na-i-ambag sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon ng mga Aklanon.

Sumailalim na sa committee meeting ang proposed resolution Lunes ng hapon kung saan inayayahan rito ang pamilya ng dating Kalibo mayor at kongresista ng Aklan upang marinig ang kanilang panig. Sang-ayon naman ang pamilya sa panukalang ito. 

Ayon sa anak na si Allan Angelo na siyang humalili sa ama bilang chairman ng Kalibo Save the Mangrove Association (KASAMA), isang non-government organization na namamahala sa nasabing parke, hindi umano sila tutol rito basta ang pangalan na Bakhawan Eco-park ay kailangang panatilihin.

Ang Bakhawan Eco-Park ay isang 220-hectare mangrove reforestation na sinimulan ni Atty. Quimpo noong 1990 na nagsisilbing panakip sa malalakas na daluyong at pagbaha. Maliban rito, isa nang tourism destination sa buong mundo ang nasabing eco-park.

Friday, January 06, 2017

ANTI-SMOKING ORDINANCE ILULUNSAD NA NG LGU-KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo


Ilulunsad umano ng LGU-Kalibo ang anti-smoking ordinance sa kasagsagan ng Ati-atihan Festival sa susunod na linggo.
Ito ang ipinahayag ni Sangguniang Bayan member Cynthia Dela Cruz sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Gayunman wala pang tiyak na petsa kung kailan ito gaganapin.

Kaugnay rito, sinabi ni Dela Cruz na magsasagawa sila ng pagpupulong kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Enero 10.

Darating anya ang mga bisita mula sa national health office para tumulong sa kampanya at pagbuo ng mga komitiba at smoke-free council.

Inihahanda narin nila ang mga poster at iba pang campaign material bago ang nasabing sanglinggong pagdiriwang. May mga billboard rin umanong iilagay sa mga mataong lugar ukol rito.

Pagkatapos anya ng launching ay magsisimula na ang kanilang massive education campaign at pag-train ng mga enforcers.

Paliwanag ng lokal na mambabatas, magandang pagkakataon ang Ati-atihan upang makapagbigay kaalaman sa karamihan ukol sa batas na ito.

Posibleng sa Marso pa umano istriktong maipapatupad ang batas sa pagbabawal sa paninigarilyo, pagbebenta at pag-eendorso nito sa mga pampublikong lugar.

Matatandaan na inaprubahan ang batas na ito sa sanggunian noong Nobyembre 24, 2016.

Thursday, December 29, 2016

PAGDREDGE SA AKLAN RIVER NAGSIMULA NA SA KABILA NG MGA PAGTUTOL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsimula na umano ang dredging ng Santarli (STL) corp. sa baybayin malapit sa So. Libuton, Brgy. Bakhaw Norte. Ito ang salaysay ng isa sa mga council member ng nasabing barangay sa Kalibo municipal police station.

Energy FM Kalibo file photo
Ayon kay kagawad Duvill Duran, noong Disyembre 26 umano ng alas-7:00 ng gabi ay nagsimulang mag-dredge ang barko ng STL.  Sinubukan anyang pigilan ng mga taong barangay ang nasabing operasyon gayunman ay nagpatuloy parin sila.

Dagdag pa ng opisyal na dakong alas-6:00 ng gabi naman ng Disyembre ay nagsagawa rin sila ng parehong operasyon sa nasabing lugar. Dahil rito, nabahala umano sila sa aksiyon na ito samantalang huli na anya nagpaabot ng sulat ang STL sa kanilang barangay hinggil sa operasyon.

Sa isang panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni STL project engineer Roger Vergara na dry-run lamang anya ang nasabing operasyon at may pahintulot ito mula sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Sa kabilang dako, pinabulaan ni Engr. Roger Esto, tagapagsalita ng Management Monitoring Team, na may kaukulang permiso ang ginawang pagkilos ng dredging vessel ng STL. Katwiran anya ng STL ay kailangan nilang itabi ang barko dahil sa inaasahang sama ng panahon at para magawa ito ay kailangan nilang magdredge.

Ikinababahala ng mga taga-Bakhaw Norte, isa sa mga apektadong lugar ng isasagawang dredging project sa Aklan River ang posibilidad na pagguho ng kanilang lupa. Ang kanilang hiling ay mabigyan muna sila ng proteksyon kabilang na ang pagsasagawa ng revetment wall bago ang simula ng proyekto.

Tuesday, December 27, 2016

MMT: WALA PANG HUDYAT PARA SA AKLAN RIVER DREDGING

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilinaw ni Engr. Roger Esto, tagapagsalita ng Management Monitoring Team sa Energy FM Kalibo na sa ngayon ay wala pang hudyat ang kanilang grupo sa Santarli (STL) Inc. para mag-dredge sa Aklan river.

Sa ngayon ay hindi pa umano kompleto ang kanilang a-stake survey na
isa sa mga pangunahing kailangan sa pagbuo ng desinyo at plano ng proyekto saka ito ipapasa sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Sinabi rin niya na hindi umano binibenta ang mga bato at buhangin. Ang dahilan kung bakit anya ipapadala sa Singapore ang mga ito ay para hindi magbara kung itatambak lang sa gilid kagaya umano ng mga una nang nangyari.

Iginiit rin niya na nakahanda umano ang lokal na pamahalaan ng Aklan upang panagutin ang STL kung sakaling malagay sa panganib ang mga apektadong lugar lalu na ang bayan ng Kalibo. May inilaan na rin anya na 2 milyon pesong pondo para sa mga maaapektuhan.

Samantala, dapat anya na bago magsimula ang proyekto ay mabigyang tugon ang mga reklamo at mga pangamba ng taumbayan. Kailangan umano nilang timbangin ang mga pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto at environmentalist at ang mga opinyon ng mga mamamayan.

Tuesday, October 18, 2016

Mas maraming turista, target ng SB Kalibo

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Target ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo na mas maparami pa ang mga turistang dumarayo sa bayan. Kaya naman inaprubahan agad sa nakaraang regular session ng konseho ang resolusyon na nagtatakda na maglagay ng ad panel board sa Kalibo International Airport para sa promosyon ng mga tourist spot sa lugar.

Ayon sa naghain ng resolusyon na si SB Philip Y. Kimpo Jr., kapansin-pansin anya na bagaman daan-daang turista ang dumaraan sa bayan ng Kalibo lalu na sa naturang airport, marami parin sa mga ito ang pinipiling puntahan ang Boracay. Ang paglalagay umano ng ad panel board ang isa sa nakikita niyang paraan para makahikayat ng mas marami pang turista na bisitahin ang Kalibo.

Isinasaad sa naturang resolusyon na pumasok sa isang memorandum of agreement ang LGU-Kalibo at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maglagay ng panel board para sa promosyon ng turismo ng munisipyo. Wala namang pagtutol rito ang sinuman sa miyembro ng Sanggunian at ikinatuwa pa nila ang naturang balita.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay SB Member Kimpo, sinabi nito na bago sumapit ang Pasko at Ati-atihan ay posibleng mailagay na ang dalawang panel board na ilalagay sa international at domestic flight area ng airport. Laman anya ng naturang panel board ang iba-ibang tourist attraction kabilang na ang Bakhawan Eco-Park, Piña Village, Tigayon Hill, Museo de Akean at iba pa.

Una na umanong nagpahayag ang CAAP na maaring isang taon lang ang kontrata na isasagawa nila para dito sa kadahilanan ng pagpapalit ng administrasyon ng paliparan.

Wednesday, October 12, 2016

Mga importanteng lokal na ordinansa ng munisipyo, ipapaskil sa mga matataong lugar sa Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Mababasa na ng mga Kalibonhon ang mga importanteng lokal na ordinansa sa bayan ng Kalibo.

Sa inaprubahang Resolution No. 063 na isinulong ni Kalibo Sangguniang Bayan Member Cynthia Dela Cruz, ipamimigay at ipapaskil sa pamamagitan ng mga tarpaulins ang mga lokal na ordinansa ng munispalidad para sa kaalaman at gabay ng mga mamamayan.

Ayon kay Dela Cruz, ang laman ng mga informative tarpaulins ay ang mga mapag-uusapan at maaaprubahang ordinansa sa regular na sesyon ng SB Kalibo sa loob ng isang buwan.

Isusumite ng committee on laws ang mga proposals at disenyo ng tarpaulin na gagmitin habang ang information department kasama ang technology unit ang magsasagawa ng production at kapag natapos na ay ipapaskil na ito ng engineering department.

Inaasahang makikita ang mga nasabing informative tarpaulins sa Kalibo Municipal Area, Kalibo Pastrana Park, Magsaysay Park, Kalibo Public Market, Kalibo International Airport area, sa mga terminal ng bus at jeep, sa lahat ng pampublikong paaralan at barangay halls na sakop ng Kalibo, Kalibo PNP Station, boundary areas ng Kalibo, at sa iba pang mga lugar na mapipili ng SB Kalibo.

Mga requirements para sa pagtatayo ng sabungan sa Kalibo, binusisi sa committee hearing

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Binusisi sa isinagawang committee hearing kahapon ang aplikasyon ng isang G. Garcia para sa pagkuha ng lisensiya o prangkisa upang makapagtayo at makapag-operate ng sabungan sa Brgy. Tigayon, Kalibo.

Pinag-usapan ng komitiba kung nasaan na si Garcia sa kanyang aplikasyon. Ayon kay committee chair SB Mark Ace Bautista na nakapagsumite na ito ng proof of ownership of the land, company profile and proof of financial capacity and development plan. Mayroon na rin umano itong rekomendasyon mula sa konseho ng naturang barangay para sa layuning ito.

Kulang na lang umano ng business registration mula sa kahit alin sa Department of Trade and Industry (DTI) o sa SEC at zoning clearance and building o occupancy permit. Ang mga requirements na ito ay alinsunod sa nakasaad sa Municipal Ordinance No. 2014-14.

Pangamba ng mga miyembro ng komitiba ay kung maitatayo kaagad ang istraktura kapag nabigyan na siya ng permit para dito. Ayaw kasi nilang maantala ang maaring maibigay na kabuhayan mula rito sa mga taumbayan at maging sa pamahalaang lokal.

Napagkasunduan sa komitiba na magtatakda sila ng panahon para maumpisahan at matapos kaagad ang istraktura ng sabungan ng mas maaga. Anila, ii-endorso pa nila sa plenaryo kung sang-ayon sila sa anim na buwang palugit para dito.

Samantala, hindi inaalis ng sanggunian ang mga gusto pang mag-apply ng prangkisa sa pagtatayo ng sabungan sa bayan ng Kalibo. Nakasaad sa ordinansa ng munisipyo na isang sabungan lang pwedeng itayo dito. Sa ngayon, maliban kay Garcia ay may isa pang potensiyal na nag-a-apply na makapagtayo ng sabungan sa Brgy. Tinigao.