Tuesday, July 11, 2017

KAPITAN SA IBAJAY AKLAN ARESTADO SA PAGTUTULAK NG DROGA

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang punong barangay ng Aquino, Ibajay sa ginawang buybust operation ng mga kapulisan sa brgy. Poblacion sa nasabing bayan kahapon ng hapon.

Sa report ng Aklan Police Provicial Office, nabilhan ng isang sachet ng pinaghihinalaang droga si punong barangay Rodel Cambarihan, 44 anyos, kapalit ng Php1,000 buy bust money.

Nakuha rin sa ginawang body search ang apat pang sachet ng parehong sangkap.

Napag-alaman na dadalo sana ng pagpupulong sa munisipyo ng Ibajay si Cambarihan nang maganap ang nasabing operasyon sa public plaza.

Nabatid sa report ng Ibajay PNP station na ang nasabing opisyal ay una nang sumuko sa pulisya sa umano’y paggamit ng iligal na droga.

Mariin namang itinatanggi ni Cambarihan ang alegasyong tulak siya ng droga. Matagal na umano niyang iniwan ang kanyang bisyo.

Ang operasyon ay sinagawa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Aklan Public Safety Company, Ibajay PNP station, at Philippine Drug Enforcement Agency 6.


Pansamantalang nakakulong ngayon ang punong barangay sa Kalibo PNP station habang hinahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 na isasampa laban sa kanya.

No comments:

Post a Comment