Umalma ang mga operator at driver ng jeep na bumibiyahe sa western side ng probinsiya dahil sa umano’y hindi patas na pagpapasakay ng mga ilang van sa mga pasahero.
Ang reklamong ito ay ipinaabot na ng Tangalan Jeepney Drivers and Operators Association (Tajoda) sa tanggapan ng alkalde sa Kalibo at sa hepe ng Kalibo police station.
Sa kopya ng sulat na ipinadala ng asosasyon sa Energy FM Kalibo, isinaad nila ang kanilang pagkabahala dahil kaunti nalang ang mga pasaherong pumupunta sa kanilang terminal sa Oyotorong, Kalibo mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ayon kay Edwin Serreno, presidente ng Tajoda, sinisi nila ang mga L300 van na pumipila at nagpapasakay ng pasahero sa kahabaan ng Roxas Avenue mula sa kanto ng Pastrana lalu na sa mga nabanggit na oras.
Isinaad rin sa sulat ang umano’y hindi patas na panghuhuli ng mga auxiliary police. Iginiit nila na hindi umano hinuhuli ang mga pumipilang van at nagpapasakay ng pasahero sa Roxas Avenue.
Nababahala ang grupo na kung hindi agad matutuganan ang kanilang reklamo ay kakaunti nalang ang kanilang kikitain sa buong araw.
Sa panayam sa ilang auxiliary police, pinabulaan naman nila ang reklamo.
Samantala, sa panayam kay Kalibo mayor William Lachica, irerefer niya ang nasabing reklamo sa Traffic Transport Management Unit para mabigyan ng kaukulang aksyon.
No comments:
Post a Comment