Saturday, July 08, 2017

19 CHIEF OF POLICE SA WESTERN VISAYAS, IRI-RELIEVE DAHIL SA KAKULANGAN NG DRUG ACCOMPLISHMENT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakatakdang i-relieve ang 19 na mga chief of police sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng drug accomplishment sa kani-kanilang mga area of responsibility.

Ito ang kinumpirma ni PSSupt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 6, sa panayam ng Energy FM Kalibo Byernes ng hapon.

Ayon kay Gorero, sa bilang na ito, isa (1) rito ang sa Antique, tatlo (3) sa Aklan, anim (6) sa Capiz, at ang natira ay sa lalawigan ng Iloilo. Nilinaw ng opisyal ng PRO6 na walang problema sa drug accomplishment sa Guimaras at sa Iloilo City.

Paliwanag ni Gorero, nagsimula umano ang kanilang monitoring ng mga drug accomplishment simula Marso 1 sa paglulunsad ng Oplan Double Barrel Relaoded hanggang sa kasalukuyan.

Batayan anya rito ang accomplishment sa Oplan Tokhang (15%), community relation (5%), investigation (5%), commander's initiative (5%) at pinakamalaki ang Oplan High Value Target at Street Value Target (70%).

Napag-alaman na walang mga naarestong drug personality ang mga nasabing PNP station  sa nasabing period.

Kaugnay rito inatasan na ni PCSupt. Cesar Hawthorne Binag, regional director ng pulisya, ang mga provincial director ng mga nabanggit na lugar para i-relieve ang mga hepe rito.

Giit ni Gorero, ginagawa nila ito para masiguro ang pagiging aktibo ng mga kapulisan sa pagsawata sa illegal drugs kaugnay ng anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.

No comments:

Post a Comment