Saturday, July 08, 2017

SUSPEK SA PAMAMARIL SA CAMANCI NORTE SUMAILALIM NA SA PARAFFIN TEST

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sumailalim na sa paraffin test sa crime laboratory ang nahuling suspek sa pamamaril sa brgy. Camanci Norte, Numancia Miyerkules ng gabi.

Ito ang kinumpirma ni PO2 Felizardo Navarra Jr., imbestigador ng Numancia municipal police station, sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Si Kevin Cangson, 25 anyos, tubong Odiongan, Romblon at kasalakuyang nakatira sa brgy. Camanci Norte, ay sumang-ayon na maeksamin ng mga awtoridad kung nagpaputok nga ba ito ng baril.

Nanindigan ang suspek at tinuturong driver sa riding in tandem na wala siyang kinalaman sa nasabing insidente na ikinamatay ng tatlong tanod, at ikinasugat ng tatlo pa.

Ang paraffin test ay isang eksaminasyon kung saan ang suspek sa pamamaril ay isinasailalim sa chemical analysis para malaman kung may presensya ng gun powder sa kanyang kamay.

Ipapadala pa sa crime laboratory sa Iloilo ang ginawang paraffin test para makumpirma ang resulta ng eksaminasyon na posibleng magtatagal pa ng ilang araw.

Napag-alaman na ang paraffin test ay pwede paring pumalya bagaman ang isang tao ay talagang nagpaputok ng baril sa ilang kadahilanan.

Ang resulta ng eksaminasyon ay hindi konklusibo at pangunahing batayan parin ang mga testigo sa insidente.

Kasalukuyang nakakulong ngayon sa Numancia PNP station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

No comments:

Post a Comment