Friday, July 07, 2017

SUSPEK SA PAMAMARIL SA BRGY. CAMANCI NORTE, NUMANCIA NAARESTO NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naaresto na ng mga kapulisan ang isa sa dalawang suspek sa nangyaring pamamaril sa brgy. Camanci Norte, Numancia Miyerkules ng gabi na ikinamatay ng tatlong tanod at ikinasugat ng  tatlo.

Kinilala ang nasabing suspek na si Kevin Cangson, 25-anyos, tubong Odiongan, Romblon pero pansamantalang nakatira sa brgy. Camanci Norte sa nasabing bayan.

Ayon kay PSInsp. Geo Colibao, hepe ng Numancia municipal police station, naaresto umano nila ang nasabing suspek sa police station mismo, matapos imbitahan ang mga ito para sa imbestigasyon.

Dagdag pa ni Colibao, positibong itinuro ng tatlong saksi ang nasabing suspek sa harap ng mga kapulisan bagay na inaresto ito ng mga awtoridad.

Ang suspek at ang kanyang live-in partner ay nasangkot sa kaguluhan sa birthday party sa kanilang boarding sa nasabing barangay Martes ng gabi kung saan nakaalitan nila ang mga rumespondeng tanod at ang punong barangay.

Sa alegasyon ni Shenna mae Baylon, live-in partner ng suspek, sinuntok umano siya ni punong barangay John Maribojo na natamaan sa kanyang mata. 

Si Cangson ang sinasabing driver ng motorsiklo at nakabaril sa tatlong tanod na ikinamatay nina Rogelio Saron, 38 anyos, Jesconie Isidro, 35 samantalang patuloy namang ginagamot sa ospital ang kasama nilang si Danilo Villorente, 43. 

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, mariin namang itinatanggi ng suspek ang alegasyon sa kanya.

Giit niya at ng kanyang live-in parter, nakacheck-in umano sila sa hotel kasama ng pamilya ng babae nang mangyari ang insidente.

Nakatakdang sampahan ng kasong murder at frustrated murder ang nasabing suspek.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa nasabing insidente sa posibleng pagkakakilalan at ikadarakip ng isa pa niyang kasama na sinasabing bumaril at pumatay sa tanod na si Walter Rembulat.

Samantala, nasa maayos nang kalagayan ang dalawang biktima ng stray bullet –isang 9 anyos na babae at 23 anyos na lalaki.

No comments:

Post a Comment