Monday, May 08, 2017

MGA DRUG SURRENDERERS SA AKLAN PRAYORIDAD SA TESDA SKILLS TRAINING

Proyoridad ngayon ang mga drug surrenderer sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) – Aklan sa Php13 milyon pondo sa scholarship program. 

Ayon kay Dr. Lynne Rose Jocosol, Technical Skills and Development Specialist II, ang mga drug dependents sa Aklan kabilang na ang kanilang pamilya ay magiging prayoridad umano sa kanilang Emergency Skills Training Program na magsisimula sa Mayo 31.

Paliwanag ni Jocosol, ang skills training na ito ay magbibigay daan sa mga surrenderer na maituon ang kanilang atensyon sa kapaki-pakinabang na bagay at magiging aktibo sa ekonomiya.

Nilinaw naman niya na maliban sa mga drug surrenderer at ang kanilang pamilya, prayoridad din ang mga out-of-school youth, nagbabalik na Overseas Filipino Workers at ang kanilang mga pamilya, mga walang trabaho, at iba pang nasa laylayan.

Prayoridad din umano sa kanilang “Barangay Kasanayan para sa Kabuhayan at Kapayapaan” (BKKK) ang mga drug surrenderer.

Samantala, sinabi ni Jocosol na ang skills training na ito ay magsisiumula na sa Hunyo para sa bayan ng Kalibo kung saan karamihan sa mga surrenderers ay naitala.

Pwedeng makapili ang mga surrenderer nang kung anong TESDA training ang gusto nila gaya ng hollow block-making, welding at automotive, electronics at cellphone repair, cookery, dressmaking, carpentry, hairdressing at baking.

Sa kasalukuyan, ang Aklan ay nakapagtala na ng 1,935 drug surrenderer mula sa paglunsad ng anti-anti-drug campaign ni President Rodrigo Duterte. (PNA)

No comments:

Post a Comment