Showing posts with label Kalibo Airport. Show all posts
Showing posts with label Kalibo Airport. Show all posts

Monday, October 08, 2018

PARKING FEE SA KALIBO AIRPORT KINUKUWESTIYON NG SANGGUNIANG BAYAN

KINUWESTIYON NG Sangguniang Bayan ng Kalibo ang paniningil ng parking fee ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Kalibo International Airport.

Nabatid na ipinapatupad ngayon ng CAAP ang paniningil ng Php20 na parking fee sa lahat ng mga behikulo na lumalagpas sa 10 minuto at dagdag na singil sa mga susunod na oras.

Sinabi sa Sanggunian ni bagong upong CAAP manager Engr. Eusebio Monserate Jr., ang paniningil ng parking fee ay base umano sa atas ng central office na pinatutupad aniya sa mga international airport na kanilang pinamamahalaan.

Paliwanag ni Monserate, ang pamamaraang ito ay para sa seguridad at para rin malimita ang mga sasakyang pumapasok at nagpapark sa bisinidad ng Kalibo airport dahil sa maliit lamang umano na espasyo dito.

Sa kabila nito, kinuwestiyon ng ilang SB Member ang paniningil ng airport staff na hindi nagbibigay ng resibo kung hindi ito hihingin sa kanila.

Nababahala kasi ang ilang opisyal ng Sanggunian na baka hindi napupunta sa tamang kalagyan ang perang nakokolekta at maulit ang parehong insidente dati sa nasabing airport.

Iginiit ng CAAP manager na dumadaan sa auditing ang kanilang koleksiyon at nireremit sa kanilang central office para umano sa operasyon ng nabanggit na Government Owned and Control Corporation.

Gayunpaman tiniyak ni Monserate na bibigyan nila ng pansin ang problemang ito sa resibo.##

-Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Friday, July 28, 2017

MGA APEKTADO NG KALIBO AIRPORT EXPANSION NAGRALLY SA STATE OF THE PROVINCE ADDRESS NG GOBERNADOR

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsagawa ng kilos protesta ang mga apektado ng ekspansyon ng Kalibo International Airport kahapon sa State of the Province Address ng gobernador.

Nagmartsa ang grupo ng Napocacia (Nalook, Pook, Caano, Estancia Association) kahapon ng
umaga mula sa airport sa Pook, Kalibo patungong kapitol bitbit ang iba-ibang plakard at streamer na nagsasaad ng kanilang hinaing.

Kabilang sa panawagan ng grupo ang public consultation, ang Environmental Compliance Certificate, paghingi ng Multi-partite Management Team (MMT) at Social Development Plan (SDP).

Nanawagan rin ang grupo kay pangulog Rodrigo Duterte na imbistigahan ang umano’y anumaliya sa Civil Aviation Authority, Department of Transportation, at pamahalaang lokal ng Aklan.

Ayon kay Jean Macabales, tagapagsalita ng grupo, napababayaan na umano ng pamahalaan ang direktang apektado ng nasabing development.

Nadismaya naman sila dahil sa mahigpit na seguridad sa kapitolyo kung kaya’t hindi na sila nakapasok sa bisinidad nito dahil sa mga nakapalibot na mga sundalo at mga pulis.

Paliwanga niya, ang nais lamang nila ay mapakinggan ng gobernador ang kanilang hinaing at wala namang planong manggulo.

Halos tatlong taon na na pinoproblema ng mga apektadong mamamayan ang hindi wastong bayad sa kanilang mga lupa, sakahan at mga kabahayan, katunayan ilan sa kanila ay hindi pa umano nababayaran.

Hindi naman sila nagkaroon ng pagkakataon na makaharap ang gobernador at iba pang opisyal pamahalaang lokal.

Friday, June 23, 2017

BOMB JOKE, ISANG SERYOSONG BAGAY AYON SA PNP

Nanawagan ang opisyal ng kapulisan sa probinsiya na seryosohin ang batas sa bomb joke.

Ito ay kasunod ng insidente sa Kalibo International Airport nitong Miyerkules nang Italian National ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pagbibiro na may bomba ang kanyang bag.

Ayon kay PSSupt. Lope Manlapaz, provincial director ng Aklan Police Provincial Office, striktong ipapatupad ng mga kapulisan ang “bomb joke law” para sa kapakanan ng taumbayan.

Kaugnay rito, hinikayat ni Manlapaz ang lahat na iwasan ang ganitong uri ng biro dahil ipinagbabawal ito ng batas.

Humingi naman ng suporta ang opisyal sa publiko na ireport agad sa mga kapulisan ang mga napabayaang bag para sa checking at verification.

Nanawagan rin siya sa publiko na huwag magpakalat ng mga mensahe na may banta sa probinsiya sa halip ay ireport sa mga kapulisan para maimbestigahan.

Pinaigting naman ng mga kapulisan ang pagbabantay sa mga matataong lugar at pagsasagawa ng checkpoint sa tri-border area.

Thursday, June 22, 2017

ITALIAN NATIONAL ARESTADO MATAPOS MAG-BOMB JOKE SA KALIBO INTERNATIONAL AIRPORT

Inaresto ng mga kapulisan ang isang 40-anyos na Italian National sa Kalibo Internatioal Airport makaraang magbiro umano na may dala siyang bomba sa kanyang bag.

Sa report ng aviation police, nagkaroon umano ng diskusyon ang suspek na si Christiano de Angelis sa mga staff ng isang airline company sa loob ng airport.

Hinanapana umano ang turista ng kanyang medical certificate patugong South Korea bagay na kinainis niya.

Nagbiro umano ito na may dalang bomba nang usisain ng airline staff ang kanyang bagahe.

Ang biro tungkol sa bomba ay ipinagbabawal sa bansa alinsunod sa Presidential Decree (P.D.) No. 1727, o Anti-Bomb Joke Law. 

Nakasaad sa batas na ito ang pagbabawal sa malisyusong pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba, pampasabog, at iba pang katulad ng mga ito. 

Nakakulong na ngayon ang nasabing lalaki at nahaharap sa kaukulang kaso.

Wednesday, May 10, 2017

MGA APEKTADONG MAY-ARI NG LUPA SA KALIBO AIRPORT EXPANSION ‘IN DISTRESS’ NA

Maglalagay ng mga bandilang kulay orange ang mga miyembro ng homeowners’ association na apektado ng ekspansyon ng Kalibo airport upang ipahayag na sila ay ‘distress’.

Nasa dalawang taon nang inirereklamo ng Nalook Pook Caano Homeowners’ Association (Napocacia) ang umano’y hindi patas at makatarungang bayad na inaalok ng Department of Transportation.

Ayon kay German Baltazar, presidente ng Napocacia, ang nasa 326 hektaryang ekspansyon ay makakaapekto sa nasa 800 tenants lalu na sa kanilang mga sakahan.

Sinabi pa ni Baltazar na ang paglalagay ng orange na bandila ay nagpapakita ng kanilang pagkakaisa upang magprotesta at ipahayag ang kanilang sentimyento.

Nilinaw naman ni Baltazar na hindi sila kontra sa ekpansyon ng airport, nais lang umano nila ang hayag at patas na bayad para sa lahat ng mga apektado.

Wednesday, May 03, 2017

MGA STRAY ANIMAL AT BIRD STRIKE, PINOPROBLEMA SA KALIBO AIRPORT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
 
Pinoproblema ngayon ng Kalibo International Airport ang mga dumaraming stray animal at kaso ng bird strike sa bisinidad ng paliparan.

Nabatid na kabilang sa mga stray animal ay ang mga aso, ahas, at mga ibong lumilipad sa nasabing airport. Ilan sa mga ibong ito ay ang mga maya, tagak at salampati.

Sa isinagawang wildlife hazard committee meeting, humingi na ng tulong ang pamunuang ng airport sa pamamagitan ng airport manager na si Efren Nagrama sa pamahalaang lokal ng Kalibo kung paano malulutas ang suliraning ito.

Napag-alaman mula kay Primo Ebesate Jr., municipal agricultural officer ng Kalibo, na isang eroplano ang grounded ng dalawang araw dahil sa bird strike.

Kadalasan umanong nangyayari ang bird strike pag gabi at madaling araw.

Kaugnay rito, kabilang sa mga hakabang na ginagawa ngayon ng pamahalaang lokal ang paghikayat sa mga kabahayan sa paligid ng airport na iwasang mag-alaga at magpalipad ng salampati.

Hihikayatin rin ang mga may-ari at staff ng mga restaurant dito na huwag magbigay ng pagkain sa mga gumagalang aso. Sa ngayon ay nagpapatuloy narin umano ang ginagawang panghuhuli ng mga asong gala ng dog catching team ng munisipyo.

Friday, March 24, 2017

EKSPANSYON NG KALIBO AIRPORT MULING SUMAILALIM SA PAGDINIG SA SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Muling sumailalim sa pagdinig ang estado ng pagbili ng lupa para sa ekspansyon ng Kalibo International Airport (KIA) sa Sanggnuniang Panlalawigan.

Base sa committee report, napag-alaman na ang 79 na mga may-ari ng lupa ay nabayaran na ng husto at sampu pa ang parsyal na nabayaran ng project implementor.

Napag-alaman rin sa pagdinig na hinihintay pa ng project implementor ang individual certification ng mga tenant na kasama sa Department of Agrarian Reform (DAR) para sa kanila na maibigay ang bayad.

Ibabase umano ng project implementor ang land value sa isinumite ng independent appraiser.

Nangako rin si Engr. Arturo Balderas, project manager ng KIA na makikipag-ugnayan sa Nationa Irigation Administration (NIA) para maayos ang apektadong irrigation canal sa nasabing ekpansyon.

Kaugnay rito, iminungkahi ng komitiba na  isama ang DAR at ang NIA sa management committee.

Hiniling ng mga miyembro ng komitiba sa project implementor na magtakda ng panahon para sa pagbayad ng mga apektadong tenant.


Nabatid ayon kay KIA-Civil Aviation area manager na ang Kalibo airport ay may average na 17 international at 30 domestic flights bawat araw.

Thursday, October 20, 2016

Lalaki sa Batan, arestado sa pananakit ng ka-live-in

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Inaresto ng mga awtoridad ang isang 28-anyos na lalaki sa Batan, Aklan matapos umanong pisikal na abusuhan ang ka-live-in partner. Naaresto ang akusado pasado alas -10:00 ng umaga sa kanya mismong residensya sa So. Maeubog, Brgy. Lalab.

Nakilala ang lalaki sa pangalang Isaias Selorio y Loveras. Naaresto siya sa pamamagitan ng warrant of arrest na nilagdaan at inalabas ni RTC Judge Benvenido Barrios noong Oktubre 11.

Ang kasong hinaharap ng lalaki ay paglabag sa Batas Pambansa 9262 o Violence against Women and Children. May P6,000.00 itinakdang piyensa para sa kanyang temporaryong kalayaan.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni PO2 Jessy Laos, sinabi niya na isa ring surenderee si Selorio sa paggamit umano ng iligal na droga.

Nakakulong ngayon sa Batan PNP station ang lalaki.

Tuesday, October 18, 2016

Mas maraming turista, target ng SB Kalibo

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Target ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo na mas maparami pa ang mga turistang dumarayo sa bayan. Kaya naman inaprubahan agad sa nakaraang regular session ng konseho ang resolusyon na nagtatakda na maglagay ng ad panel board sa Kalibo International Airport para sa promosyon ng mga tourist spot sa lugar.

Ayon sa naghain ng resolusyon na si SB Philip Y. Kimpo Jr., kapansin-pansin anya na bagaman daan-daang turista ang dumaraan sa bayan ng Kalibo lalu na sa naturang airport, marami parin sa mga ito ang pinipiling puntahan ang Boracay. Ang paglalagay umano ng ad panel board ang isa sa nakikita niyang paraan para makahikayat ng mas marami pang turista na bisitahin ang Kalibo.

Isinasaad sa naturang resolusyon na pumasok sa isang memorandum of agreement ang LGU-Kalibo at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maglagay ng panel board para sa promosyon ng turismo ng munisipyo. Wala namang pagtutol rito ang sinuman sa miyembro ng Sanggunian at ikinatuwa pa nila ang naturang balita.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay SB Member Kimpo, sinabi nito na bago sumapit ang Pasko at Ati-atihan ay posibleng mailagay na ang dalawang panel board na ilalagay sa international at domestic flight area ng airport. Laman anya ng naturang panel board ang iba-ibang tourist attraction kabilang na ang Bakhawan Eco-Park, Piña Village, Tigayon Hill, Museo de Akean at iba pa.

Una na umanong nagpahayag ang CAAP na maaring isang taon lang ang kontrata na isasagawa nila para dito sa kadahilanan ng pagpapalit ng administrasyon ng paliparan.

Wednesday, October 12, 2016

Mga importanteng lokal na ordinansa ng munisipyo, ipapaskil sa mga matataong lugar sa Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Mababasa na ng mga Kalibonhon ang mga importanteng lokal na ordinansa sa bayan ng Kalibo.

Sa inaprubahang Resolution No. 063 na isinulong ni Kalibo Sangguniang Bayan Member Cynthia Dela Cruz, ipamimigay at ipapaskil sa pamamagitan ng mga tarpaulins ang mga lokal na ordinansa ng munispalidad para sa kaalaman at gabay ng mga mamamayan.

Ayon kay Dela Cruz, ang laman ng mga informative tarpaulins ay ang mga mapag-uusapan at maaaprubahang ordinansa sa regular na sesyon ng SB Kalibo sa loob ng isang buwan.

Isusumite ng committee on laws ang mga proposals at disenyo ng tarpaulin na gagmitin habang ang information department kasama ang technology unit ang magsasagawa ng production at kapag natapos na ay ipapaskil na ito ng engineering department.

Inaasahang makikita ang mga nasabing informative tarpaulins sa Kalibo Municipal Area, Kalibo Pastrana Park, Magsaysay Park, Kalibo Public Market, Kalibo International Airport area, sa mga terminal ng bus at jeep, sa lahat ng pampublikong paaralan at barangay halls na sakop ng Kalibo, Kalibo PNP Station, boundary areas ng Kalibo, at sa iba pang mga lugar na mapipili ng SB Kalibo.

Friday, October 07, 2016

Mga may-ari ng mga apektadong lupa sa KIA expansion, nag-kilos protesta


Nagsagawa ng isang kilos protesta kahapon ng
umaga ang mga may-ari ng mga lupang apektado ng isasagawang pagpapalapad ng Kalibo International Airport (KIA).

Nag-umpisa ang rally sa Brgy. Pook, Kalibo at nagtapos sa harap ng Aklan Provincial Capitol.

Tinatayang nasa humigit-kumulang 200 katao ang naki-isa sa nasabing kilos protesta dala ang mga placards na naglalaman ng kanilang mga mensahe at panawagan para sa pamunuan ng paliparan at lokal na pamahalaan ng Kalibo at Aklan.