ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Tatanggap ng Php3 milyon ang lokal na pamahalaan ng Kalibo para gamitin sa pagsasaayos ng public market nito. Ito ang sinabi ni Cong. Harry Roque Jr. ng Kabayan Partylist sa kanyang pagbisita sa bayan ng Kalibo kamakailan.
Personal na nagsagawa ng ocular inspekyon ang kongresista kasama sina Kalibo mayor William Lachica at Aklan congressman Carlito Marquez sa nasabing palengke.
Ayon kay Roque, nakalinya na ang pondo para sa pagsasaayos ng lumang bahagi ng palengke sa ilalim ng local infrastructure program.
Ibinalita naman ni Roque ang kanilang mga ginagawa sa kongreso kabilang na ang pagsusulong ng libreng edukasyon sa mga unibersidad at mga kolehiyo, libreng gamot para sa lahat, at libreng almusal at tanghalian sa elementarya sa lahat ng paaralan sa bansa.
Samantala, nangako rin si Cong. Marquez ng Php2 milyon para idagdag sa rehabilitasyon ng nasabing palengke.
Plano ng pamahalaang lokal ng Kalibo na taasan ang bubong ng palengke at dagdagan ang bentilasyon nito.
No comments:
Post a Comment