Wednesday, May 10, 2017

YAPAK JETTY PORT SA BORACAY, ISINUSULONG NG PORT ADMINISTRATOR

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Cagban jetty port
Isinusulong ngayon ng port administrator ang pagkakaroon ng Yapak jetty port at passenger terminal sa Isla ng Boracay.

Ayon kay port administrator Niven Maquirang, ang pagkakaroon ng bagong port at passenger terminal sa Boracay ay makakatulong upang mabawasan ang pagsikip sa kasalukuyang Cagban port.

Ito ay bahagi ng panukalang inihain ni Maquirang sa Sanggunian Panlalawigan para baguhin ang kasalukuyang provincial ordinance 05-032 o ‘one entry, one exit’ policy.

Sinabi pa ni Maquirang na ang gusali ay lalagyan ng security at iba pang tourist-friendly facility at mga tauhan na magbibigay ng mga pangunahing serbisyo at tulong sa lahat ng mga bisita at turista. Bukas rin anya ito para sa mga cargoes.

Kaugnay rito, nais rin niyang magkaroon ng panibagong terminal at passenger building sa reclamation area kasunod ng Caticlan jetty port at passenger terminal.

Magsisilbing umano itong one-stop shop sa lahat ng government agencies at para ma-accommodate ang malaking bilang ng mga turista.

Kabilang sa mga ilalagay rito ay ang iba-ibang tourism-related activities, amenities, food chains, souvenir shops, telecommunication, at banking services.

Ang mga panukalang ito ay kasunod ng isyu ng kakulangan ng seguridad na ipinapatupad sa isla ng Boracay. Pinag-aaralan naman ngayon ng Sanggunian kung paano maipapatupad ng maayos ang ‘one entry, one exit policy’.




No comments:

Post a Comment