Wednesday, May 03, 2017

MGA STRAY ANIMAL AT BIRD STRIKE, PINOPROBLEMA SA KALIBO AIRPORT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
 
Pinoproblema ngayon ng Kalibo International Airport ang mga dumaraming stray animal at kaso ng bird strike sa bisinidad ng paliparan.

Nabatid na kabilang sa mga stray animal ay ang mga aso, ahas, at mga ibong lumilipad sa nasabing airport. Ilan sa mga ibong ito ay ang mga maya, tagak at salampati.

Sa isinagawang wildlife hazard committee meeting, humingi na ng tulong ang pamunuang ng airport sa pamamagitan ng airport manager na si Efren Nagrama sa pamahalaang lokal ng Kalibo kung paano malulutas ang suliraning ito.

Napag-alaman mula kay Primo Ebesate Jr., municipal agricultural officer ng Kalibo, na isang eroplano ang grounded ng dalawang araw dahil sa bird strike.

Kadalasan umanong nangyayari ang bird strike pag gabi at madaling araw.

Kaugnay rito, kabilang sa mga hakabang na ginagawa ngayon ng pamahalaang lokal ang paghikayat sa mga kabahayan sa paligid ng airport na iwasang mag-alaga at magpalipad ng salampati.

Hihikayatin rin ang mga may-ari at staff ng mga restaurant dito na huwag magbigay ng pagkain sa mga gumagalang aso. Sa ngayon ay nagpapatuloy narin umano ang ginagawang panghuhuli ng mga asong gala ng dog catching team ng munisipyo.

No comments:

Post a Comment