Wednesday, January 23, 2019

Aso aalayan ng isang funeral procession sa Kalibo bago ang disenteng libing


ILILIBING NA ang aso na pinaglamayan ng mahigit isang buwan sa bahay ng may-alaga sa bayan ng Kalibo.

Una nang itinampok ng Energy FM Kalibo ang kakaibang pagmamahal ng may-alaga na si Albert Manalo sa namatay niyang aso.

Ang kanyang alaga na si Nikki ay ililibing araw ng Miyerkules sa labas ng kanilang bahay sa Oyo Torong St., Poblacion, Kalibo alas-3:00 ng hapon.

Nakahanda na ang kanyang libingan na mayroon pang lapida. Bago ang libing ay isa munang funeral procession ang iaalay sa aso na isang Japanese Spitz.

Namatay ang aso noon pang Disyembre 17, 2018 dahil umano sa atake sa puso. Edad pitong taong gulang ang aso na tinatawag ng may-alaga na "Nikki".

Inilagay ni Kasimanwang Albert ang namatay na aso sa isang kahon na nagsilbing ataol at inaalayan ng bulaklak, kandila at pagkain.

Matagal na dapat na nailibing si "Nikki" kaya lang hindi matanggap ng kanyang amo na ilibing siya agad. Paulit-ulit nilalagyan ng formalin ang aso para mapreserba.

Ilang kaibigan at pamilya rin ang dumadalaw sa burol ng aso para makiramay sa may-alaga.

Nais ng amo na iikot muna ito sa plaza bilang huling pamamasyal nila. Sasama rin sa prosesyon ang ilang kamag-anak, kaibigan at iba pa bago ito ilibing.##

No comments:

Post a Comment