Monday, December 19, 2016

MGB: WALANG MINERAL NA ILULUWAS NA SAND AND GRAVEL MULA SA AKLAN RIVER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Walang anumang kasamang mineral ang kukuning sand and gravel mula Aklan river kaugnay ng nakatakdang pag-dredge ng ilog. Ito ang nilinaw ng mga kinatawan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa nakaraang pagtitipon ng Multi-partite Team (MMT) kasama ang mga opisyal at ilang residente ng mga apektakdong barangay ng nasabing proyekto.

Sinabi rin ng MGB na hindi nila pahihintulutan na may makalabas na anumang uri ng mamahaling mineral na makakasama sa iku-quarry na sand and gravel sa isasagawang dredging ng Santarli company sa Aklan river kaugnay ng flood mitigation project ng gobyerno.

Nanindigan rin ang MGB na ang pagsusuring ginawa nila sa sand and gravel mula sa ilog ang lehitimo at opisyal. Kinatigan naman ito ng mga miyembro at opisyal ng MMT makaraang kuwestiyon ng ilan ang pagsusuri ng naturang ahensiya. Nagdududa kasi ang ilang residente ng mga apektadong barangay na baka may yaman sa iluluwas na mga buhangin at bato patungong Singapore.

Samantala, napagkasunduan sa nasabi ring pagpupulong na maging bahagi na ng MMT ang mga kinatawan ng walong apektadong barangay at makakasama sa isasagawang a-stake survey ng Santarli company sa ilog. Ang a-stake survey ay kakailanganin upang makapagbuo ng desinyo at plano ng dredging project na siyang isusumete sa DENR at DPHW.

Ang MMT ang siyang magbibigay ng signal kung pwede ng magsimula ang proyekto.


Matatandaan na dumating na ang barko dito sa probinsiya mula Singapore na siyang gagamitin sa pagdredge ng ilog.

No comments:

Post a Comment