Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ang isinusulong na pagtaas ng buwis sa amelyar o mga real properties sa 17 bayan sa buong probinsiya.
Sa regular session ng Sanggunian ngayong araw, sinang-ayunan ng konseho ang ilang mga pagbabago sa isinusulong na tax ordinance lalu na sa pagbaba sa assessment level ng mga real properties.
Ang rekomendasyong ito ay base sa committee report ng committee of the whole sa kanilang sunod-sunod na committee hearing, public hearing, at public consultation at mga pag-aaral.
Sa ngayon, ang assessment level para sa mga agricultural land ay 25% kumpara sa unang isinusulong na 40%; sa residential land ay 10% nalang mula sa dating 20%.
May pagbaba rin sa parehong commercial at industrial land mula sa dating 50%, ngayon ay 32% nalang. May pagbaba rin sa iba pang propedad.
Kasama rin sa pagbabago ang paglalaan ng limitasyon sa pagtaas sa mga real properties tax – 10% para sa agricultural lands at 50% naman sa mga residential lands.
Nakatakda namang magpulong ang committee of the whole sa Miyerkules upang ihanda ang isinusulong na ordenansa para sa ikatlo at huling pagbasa. Kapag naaprubahan, plano itong ipatupad simula Enero ng susunod na taon.
No comments:
Post a Comment