Showing posts with label PSupt. Richard Mepania. Show all posts
Showing posts with label PSupt. Richard Mepania. Show all posts

Thursday, May 30, 2019

48 traffic violators nahuli ng Kalibo PNP sa Oplan Sita

photo: Kalibo PNP
NAHULI NG kapulisan ng Kalibo PNP Station ang 48 traffic violators sa isinagawa nilang Oplan Sita sa ilang mga pangunahing kalsada sa bayang ito ngayong araw.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, karamihan sa mga violators ay mga nagmamaneho ng walang driver's license at mga hindi nakahelmet.

Sinabi ng hepe na tuloy-tuloy ang gagawin nilang Oplan Sita sa mga kalsada kasama ang mga tauhan ng Kalibo Auxiliary Police para madisiplina ang mga motorista.

Layunin din umano ng kanilang operasyon ang mailayo sa kapahamakan o disgrasya ang mga nagmamaneho.

Iba pa umano ito sa kanilang checkpoint. Ang Oplan Sita ay pwede umano nilang gawin sa oras ng pangangailangan.

Samantala, ngayong araw ay nagkabit ng mga signages ang kapulisan ng Kalibo sa mga kalsada sa bayang ito na naglalaman ng ilang paalala sa ligtas na pagmamaneho.

Pahayag ni LtCol. Mepania, katuwang nila rito ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Land Transportation Office (LTO) lahat dito sa Aklan.

Aniya bahagi ito ng napag-usapan ng inter-agency sa kanilang Road Safety Summit kamakailan. Sa mga susunod na araw ay magdaragdag pa umano sila ng mga signages.

Nanawagan si Mepania sa mga motorista na sumunod sa batas trapiko para iwas abala at kapahamakan.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, March 14, 2019

Isang Bar and Resto sa Kalibo ipinasara ng LGU dahil sa iba-ibang paglabag


IPINASARA NG pamahalaang lokal ng Kalibo ang Boracay Closure Bar and Resto sa Kalye Kulinarya sa Kalibo ngayong gabi sa kahabaan ng Veterans Avenue dahil sa iba-ibang paglabag.

Ayon kay PSupt Richard Mepania, wala umanong Mayor's Permit ang nasabing bar and resto. Maliban rito nakatanggap umano siya ng mga reklamo mula sa mga residente sa lugar na magdamag ang inuman dito at nag-iingay ang kanilang mga kostumer.

Aniya batay sa lokal na ordinansa dapat ay hanggang 11:30 lamang ang pagpapa-inom nila kumpara sa mga ibang bar na pwedeng magdamag dahil nakapinid ang kanilang mga establisyemento.

Napag-alaman na ang Boracay Closure ay nagrerenta lamang sa binakanteng pwesto ng Mugz and Wheel at hindi direktang nagbabayad sa munisipyo. Sa labas lamang ang inuman at malapit sa kabahayan.

Sinabi ni PSupt. Mepania na makailang ulit na umano silang binalaan niya at ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) pero hindi parin umano sila sumusunod.

Ngayong araw ay naglabas ng atas si Mayor William Lachica na ipasara ang nasabing establisyemento batay sa rekomendasyon ng Kalibo PNP at ng MEEDO.

Isinerbe ni Supt Mepania ang closure order. Tinanggap naman ito ni Radesa Gelito ang nagmamay-ari ng nasabing bar and resto.

Si Gelito ay taga-Boracay at isa umano sa mga naapektuhan ng pagsasara ng Isla kaya minabuting lumipat dito sa Kalibo para ipagpatuloy ang negosyo at nasa ilang buwan nang nag-ooperate dito.

Ipinaligpit na ng kapulisan ang kanilang mga gamit at isinara ang nasabing pwesto at pinaskilan ng tarpaulin na nagsasabing "this establishment is hereby closed."##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Friday, March 01, 2019

Mga pakete ng 'marijuana' nasabat ng PDEA sa mall sa Kalibo


NASABAT NG mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga pakete ng pinaghihinalaang marijuana sa loob ng isang mall sa Kalibo gabi ng Huwebes.

Kinumpirma ni Police Lt. Col. Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, ang insidente sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Napag-alaman na ang mga nasabat na marijuana ay nakasilid sa isang bag at iniwan ng mga suspek sa baggage counter ng City Mall.

Ikinadismaya ni Lt. Col. Mepania ang mabagal na kooperasyon ng pamunuan ng mall dahil hindi agad sila nagbigay ng kuha ng CCTV footage sa insidente.

Naniniwala ang hepe na kapag naipakita sana agad ng pamunuan ang kuha ng CCTV sa kapulisan noong mga sandaling iyon ay posibleng nahuli pa ng mga otoridad ang mga suspek.

Ito ang dahilan kung bakit nagpatawag ng emergency dialogue si Lt. Col. Mepania sa mga establishment owner nananawagan na mag-coordinate at mag-cooperate sa kapulisan.

Nagbabala ito na posibleng sampahan nila ng mga kaukulang kaso kapag hindi agad nagbigay ng kuha ng CCTV sa kapulisan ang mga establishment para sa imbestigasyon.

Habang iniimbestigahan pa ng kapulisan at ng PDEA ang insidente.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Enegy FM Kalibl

Thursday, February 21, 2019

Kalibo PNP Chief sa mga establishment, magbigay agad ng kuha ng CCTV


NANAWAGAN NGAYON ang Kalibo PNP sa mga may-ari o namamahala ng mga establishment sa bayang ito na magbigay agad ng kopya ng CCTV sa kapulisan kapag may krimen sa loob o malapit sa kanila.

Ayon kay PSupt. Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, may mga karanasan na naaabala ang agarang paglutas ng kaso dahil may ilang kompaniya umano rito ang humihingi pa muna ng permiso sa kanilang mga head office sa Maynila bago makapaglabas ng kuha ng CCTV.

Ngayong araw ng Huwebes ay ipinatawag ng hepe sa police station ang mga may-ari o namamahala ng ilang establishment sa bayang ito para sa isang pagpupulong kaugnay sa nasabing usapin.

Hiningi ni Supt. Mepania ang pagsang-ayon ng mga ito sa panukalang magkaroon ng isang Memorandum of Agreement ang mga kapulisan sa mga establishment na maglabas agad ng kuha ng CCTV para makatulong sa imbestigasyon nila.

Sang-ayon naman ang mga ito sa nasabing panukala. Ayon sa hepe, binabalangkas na ang laman ng MOA na aniya posibleng sa susunod na linggo ay lalagdaaan na nila ito.

Inilahad ng hepe na sang-ayon sa section 12 at 13 ng Kalibo Ordinance no. 2017-024, kapag may insidente na naganap sa loob o malapit sa establishment ay kailangang makipag-ugnayan agad ang mga may-ari o namamahala sa kapulisan para makapaglabas ng kuha ng CCTV.

Nagbabala rin ang opisyal na ang hindi susunod rito ay posibleng maharap sa kaukulang parusa na itinatakda ng parehong lokal na ordinansa.

Binigyang diin ng hepe na malaking tulong sa kanilang imbestigasyon sa paglutas ng ilang krimen ang mga kuha ng CCTV gaya nalang pag-aresto sa mga magnanakaw.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, February 14, 2019

Kalibo PNP Chief: nag-iinom sa mga pampublikong lugar pwedeng ikulong, pagmultahin


MULING NAGBABALA si PSupt Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, sa umiinom sa mga pampublikong lugar sa kabiserang bayang ito.

Kagabi ay ilang mga indibidwal ang kanilang dinampot, kabilang na ang mga menor de edad, na sangkot sa inuman sa kalsada sa kahabaan ng N. Roldan St., Poblacion, Kalibo.

Kinulong ng kapulisan ang nasa hustong gulang na habang pinangaralan naman ang mga menor de edad sa Women and Children Protection Desk kasama ang Muncipal Social Welfare and Development Office at ipinatawag ang kanilang mga magulang.

Ayon kay Supt. Mepania, ang mga mahuhuling nag-iinom sa mga pampublikong lugar ay pwedeng pagmultahin o kaya ay ikulong batay sa code of general ordinances ng bayan ng Kalibo.

Nakasaad rito sa Article 3 ang pagbabawal sa pag-iinom sa mga sidewalk, sidestreet at iba pang mga pampublikong lugar. Sa unang paglabag ay maaaring makulong ng tatlong araw ang lumabag o pagmultahin ng Php500.

Sa ikalawang paglabag ay maaari namang makulong ng limang araw o pagmultahin ng Php1000. Sa ikatlo at mga sumunod pang paglabag ay ikukulong ng 20 araw o pagmultahin ng Php2,500 ang mga lumabag.

Mensahe niya sa taumbayan na kung hindi maiiwasan ang pag-inom ay uminom nalang sa loob ng kanilang bahay.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Wednesday, December 19, 2018

Kapulisan sa Aklan nakaalerto na para sa Pasko, Bagong Taon

NAKA-FULL ALERT status na simula ngayong araw ang kapulisan sa buong probinsiya ng Aklan kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Sa bayan ng Kalibo, binisita ni PSSupt Jesus Cambay Jr., Acting Deputy Regional Director for Administration, ang Kalibo Municipal Police Station para mag-inspeksyon sa kahandaan ng kapulisan dito.

Sinabi ni PSupt. Richard Mepania, hepe ng nabanggit na police station, na magtatalaga sila ng malaking bilang mga kapulisan para magbantay.

Ilang checkpoint rin umano ang aasahan. Palagi naring nakasuot militar dala-dala ang long fire arm nila.

Binanggit rin niya na sa Disyembre 26 ay ipagdiriwang ng makakaliwang grupo ang kanilang anibersaryo kung saan inaasahan ang ilang mga pag-atake nila.

Sa kabila nito pinasiguro niya na walang dapat ikabahala ang taumbayan. Normal lamang aniya ang pagiging alerto ng kapulisan sa mga ganitong panahon.

Nakadepende pa umano sa atas ng higher headquarter kung kelan aalisin ang full alert status.

Sa kabilang banda, sinabi ni Supt. Mepania na tuloy-tuloy ang paghahanda nila para masiguron na zero major incident ang nalalapit na pagdiriwang ng Kalibo Ati-atihan Festival.##

Monday, December 10, 2018

Festival organizer gustong papanatilihin si PSupt Mepania para sa Ati-atihan Festival

LUMIHAM NA sa Regional Police Office 6 ang Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Foundation Inc. humihiling na papanatilihin si PSupt. Richard Mepania sa Kalibo PNP.

Dahilan ni Albert Meñez, chairman ng foundation, si Supt. Mepania ay itinalaga bilang ground commander ng nalalapit na na selebrasyon ng Kalibo Ati-atihan Festival.

Katuwiran ni festival organizer chairman Meñez na matagal na umanong napaghandaan ng outgoing chief of police ng Kalibo Municipal Police Station ang seguridad para sa malaking event na ito.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag si Mepania ukol dito. Sa ngayon ay nananatili siya sa Kalibo Police Station habang hinihintay ang umano'y finality sa kanyang paglipat.

Aniya ang rason ng paglipat sa kanya ay dahil sa realignment ng mga opisyal. Nabatid na kasama niyang nakatanggap ng parehong atas ay si PSupt Ramer Gallardo na nadestino sa Isla ng Boracay.

Inaayos narin ng Aklan Police Provincial Office ang posibleng pagbabago sa hahawak ng seguridad sa Ati-atihan festival sa Enero ng susunod na taon.

Nabatid na gabi pa ng Disyembre 7 natanggap ni Mepania ang atas sa kanya mula kay PNP Regional Director PCSupt. John Bulalacao na ilipat mula sa Kalibo Police Station para italaga sa Regional Mobile Force.

Sa ngayon pansamantalang itinalaga bilang hepe ng Kalibo PNP ang dating deputy chief of police ng istasyon na si PCInsp. Kenneth Paniza.

Samantala, nabatid na gumagawa narin ng paraan si Mayor William Lachica para mapigilan ang pagpapalipat kay PSupt. Mepania.

Si Supt. Mepania ay naglingkod bilang hepe ng Kalibo PNP simula Pebrero nitong taon.

Kabilang sa mga pinatupad at pinasimulan niya ay ang Oplan Serenata at pagpapaigting ng ilang lokal na ordinasa gaya ng curfew for minors. Siya rin ang nagtalaga ng media corner sa police station.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Wednesday, November 14, 2018

Kalibo Police Station pinaigting do Special Motorized Anti-Criminality Response Team

[Press Release] PINAIGTING EON it Kalibo Police Station ro Special Motorized Anti-criminality Response Team (S. M. A. R. T) sa banwa it Kalibo. Suno kay PSUPT Richard Mepania, Chief of Police it Kalibo Municipal Police Station nga ipatupad do rayang programa dahil sa paeapit nga Kapaskwahan ag Bag-ong Dag-on. Kung siin dayang programa hay ginakumponihan it didekadong Police nga magahimo it pag patrolya gamit do motorsiklo sa mga gapangunang daeanon it Kalibo.

Dayang systema hay kaparte ku Comprehensive Patrol Deployment Plan/Oplan Patrol Serenata nga magasilbi sa tanan nga barangay it Kalibo nga kung siin mapadali ro pag responde sa gakatabo nga krimen. Nakataeana nga maga implementar it Brgy. Saturation Drive. May una man nga Oplan Bulabog “Wang Wang Sa Brgy. “ nga kung siin maga himo it sunod-sunod nga paglibot it patrol cars ag motorsiklo nga gamit do pag patunog it sirena ag blinkers sa tanan nga mga barangay. Gapati gid do kapulisan nga mabahoe rayang epekto para matapna do gakatabo nga holdapan ag panakawan sa banwa.

Dugang sa pag implementar it lokal nga ordinansa, magahimo pa gid it patrolya sa mga bars ag club agud mabuhinan ro mga krimen paagi sa "Oplan Bakal" ag "Oplan Sita" sa mga establisimiento. Gina hinyo gid ro mga tag-iya it mga bars nga magbutang it mga CCTV cameras kun sa siin kaparte raya para mapadali do pagsugpo it kriminalidad nga gakatabo sa banwa it Kalibo.

Gapangayo gid it kooperasyon/bulig do Pulis Kalibo sa mga pumueoyo para matapna do mga krimen ag mapa establisyar do kalinong it banwa.##

- P01 Aldren Andrade, Asst. PCR Kalibo Police Station

Friday, November 09, 2018

MGA TRICYCLE AT PEDICAB IPAGBABAWAL SA MGA NATIONAL HIGHWAY SA AKLAN

IPAGBABAWAL NA na dumaan sa mga national highway sa Aklan ang mga tricycle at mga pedicab alinsunod sa memorandum na ibinaba ng Department of Interior and Local Government.

Inatasan na ni PSSupt Lope Manlapaz, provincial director ng kapulisan sa probinsiya, ang kapulisan sa mga bayan na magsagawa ng pagpupulong sa mga driver at operator.

Kasunod ito ng hiling ng Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. sa DILG na ipatupad ng PNP ang nasabing memorandum.

Sa bayan ng Kalibo, kasama ang pamahalaang lokal nagsagawa ang kapulisan ng pagpulong sa mga opisyal ng mga asosasyon ng mga tricycle at pedicab araw ng Miyerkules.

Ayon kay PSupt Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, sang-ayon umano ang mga drivers at operators sa planong ito. Pag-aaralan pa umano nila ang magiging alternatibong rota ng mga tricycle at pedicab.

Gayunman kapag walang ibang pwedeng daan para sa kanila, maaari parin naman umano nilang gamitin ang national highway basta nasa tabi lang umano sila palagi.

Ipagbabawal rin ang mga tricycle at pedicab na magsakay ng mahigit na pasahero o mga karga kesa sa nakasaad sa kanilang prangkisa. Posiblen aniyang patawan ng kaukulang penalidad ang lalabag rito.

Napag-alaman na ang panawagang ito na i-ban ang mga tricycle ay noon pang 2007 sa ilalim ng Memorandum Circular 2007-01. Layunin nito na maiwasan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga sasakyang ito.##

Monday, June 25, 2018

MGA TAMBAY AT GALA SA KALIBO BINALAAN NG HEPE NG KAPULISAN

(exclusive) Nagbabala ngayon si PSupt. Richard Mepania na sa mga susunod na araw ay huhulihin na nila ang mga tambay sa Kalibo.

Ito ang pahayag ng hepe ng Kalibo PNP sa panayam ng Energy FM Kalibo Lunes ng hapon.

Sa ngayon aniya ay pinaaalalahanan lang muna nila ang mga makikita nilang gumagala o tumatambay sa kabiserang bayang ito.

Aniya, batayan niya rito ang Code of General Ordinances ng munisipyo kung saan nakasaad sa Article 4 ang pagbabawal na tumambay o gumala sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa lokal na batas, tumutukoy ang pampublikong lugar sa "streets, highways, parks, plazas, alley or sidewalk and such other places open to the public."

Narito ang mga regulated acts sa lokal na batas na ito:
*create or cause to be created a breach of the peace;
*create or cause to be created any disturbance or annoyance to the comfort and repose any person;
*obstruct the free passage of pedestrian or vehicles;
*interfere with the lawful activity of another person;
*create or cause to be created gang fights and/or gang violence;
*create or cause to be created destruction or vandalism of government properties; or
*create or cause to be created a haven for drug pushers and users.

Ang lalabag sa batas na ito ay posibleng pagmultahin ng Php500 o pagkakulong ng hindi bababa sa 30 araw o maaaring pareho alinsunod sa diskresyon ng korte.

Pinasiguro naman ni Mepania na hindi malalabag ang karapatang pantao ng bawat indibidwal sa ipapatupad nilang batas.

Kaugnay rito, payo ni Supt. Mepania na manatili nalang sila sa kanilang mga bahay kung wala namang lehitimong lakad. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Saturday, June 16, 2018

REGULASYON SA MGA COMPUTER SHOP SA KALIBO HIHIGPITAN NA NG KALIBO PNP

Simula sa susunod na linggo ay strikto nang ipapatupad ng kapulisan ang ordenansa na nagreregulate sa mga internet café at mga video games center sa Kalibo.

Ito ang naging babala ni PSupt. Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, sa mga may-ari at mga namamahala ng mga computer shop sa isang pagpupulong araw ng Byernes.

Kasunod ito nang mga nahuli nilang mga computers shop na nagpapasok ng mga menor de edad sa kanilang establisyemento dis oras ng gabi.

Binigyang-diin ni Supt. Mepania sa mga negosyanteng ito na huwag papasukin ang mga menor de edad kabilang na ang mga estudyante sa kanilang mga shop sa itinakdang oras ng curfew.

Maliban rito pinahihigpitan narin ni Mepania ang pagbabawal sa mga menor na mga estudyante na pumasok sa mga shop nila sa mga oras ng klase katulad ng nakasaad sa municipal ordinance 2012-025.

Nakasaad sa Code of General Ordinance ng Kalibo na bawal na manatili ang mga estudyante sa mga internet shops 7:30am-11:30am at 1:30pm-4:30pm maliban lamang kapag walang pasok at tuwing weekend.

Sinumang lalabag sa ordenansang ito ay pagmumultahin ng hanggang sa Php2500 o revocation, maging non-renewal of license. Sa Code of General Ordinance naman aabot rin sa Php2500 ang pwedeng multa o pagkakulong ng dalawang linggo.

Ilang negosyante naman ang nag-aalala na malulugi sila sa kanilang negosyo at posibleng maghanap nalang ng ibang pagkakakitaan dahil marami sa mga kostumer nila ay mga menor at mga estudyante.

Pinaintindi naman ng hepe ng Kalibo PNP na matimbang sa kanila ang kaligtasan at kinabukasan ng mga menor. Sa kabila nito humingi siya ng pag-unawa at kooperasyon sa lahat. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Thursday, June 14, 2018

ILANG COMPUTER SHOP OWNERS SA KALIBO HINDI SUMUSUNOD SA CURFEW ORDINANCE AYON SA PNP

Ilang computer shop sa Kalibo ang napag-alamang hindi sumusunod sa curfew ordenance ng munisipyo ayon kay PSupt. Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP.

Anya, ilang menor de edad ang kanilang nahuli sa loob ng mga internet shop at video game center sa kabiserang bayang ito dis oras ng gabi sa sunod-sunod nilang inspeksyon.

Nakasaad sa municipal ordinance no. 045 series of 1994 ang pagbabawal sa mga menor de edad 18-anyos pababa na gumala sa mga lansangan at mga pampublikong lugar mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Exempted sa batas na ito ang mga lehitimong lakad kasama ang kanilang mga magulang o mga guardian na nasa legal na edad.

Kaugnay rito, ipapatawag ni Supt. Mepania ang mga may-ari at namamahala ng mga nasabing establisyemento sa Byernes para ipaunawa sa kanilang ang nabanggit na ordenansa.

Sa kabilang banda, planong imungkahi ni Mepania sa mga opisyal ng bayan at sa Sangguniang Kabataan ang pagkakaroon ng isang rehabilitation program para sa mga menor de edad na lumalabag sa mga batas. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Wednesday, June 13, 2018

KALIBO PNP NAGTALAGA NG MEDIA CORNER SA KANILANG POLICE STATION

Isang media corner ang itinalaga ng Kalibo PNP para sa mga reporter na nagkokober sa Kalibo police station.

Pormal na itong pinasinayaan ngayong araw.

Ito ang pangako ni PSupt. Richard Mepania sa mga media sa kanyang pag-upo bilang hepe ng Kalibo PNP.

Itinuturing ni Supt. Mepania ang media bilang partner pagdating sa information dessimination sa taumbayan.

Monday, February 19, 2018

KALIBO PNP MAY BAGO NANG HEPE

PSupt. Richard Mepania
May bagong hepe na ang ating Kalibo PNP Station simula ngayong araw ng Lunes, Pebrero 19.

Siya si PSupt. Richard Mepania. Si Mepania ay tubong Davao del Norte.

Ang dating officer-in-charge na si PSInsp. Honey Mae Ruiz ay balik sa pagiging deputy para sa admin.

Nananatiling deputy naman si PSInsp. Ronald Paclivar para sa operation.

Si Ruiz ay nakatakdang magschooling ngayong Marso.