Thursday, September 14, 2017

SEGURIDAD SA NALALAPIT NA ATI-ATIHAN FESTIVAL 2018 PINAGHAHANDAAN NA NG LGU KALIBO AT NG MGA KAPULISAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinaghahandaan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo at ng mga kapulisan ang seguridad sa nalalapit na pagdiriwang ng Ati-atihan sa susunod na taon.

Sinabi ni PSInsp. Honey Mae Ruiz, hepe ng Kalibo PNP, sa sesyon ng Sangguniang Bayan, inaayos na nila ang kanilang security plan para mapanatiling mapayapa at maayos ang taunang pagdiriwang.

Gayunman, mas paiigtingin umano nila ang seguridad sa ngayon dahil narin sa kaguluhang nangyayari sa lungsod ng Marawi.

Kaugnay rito, nagmungkahi ang kapulisan ng mga security measure na ipapatupad sa naturang month-long celebration lalu na sa festival week. Kabilang rito ang pagbabawal sa pagbebenta ng mga nakalalasing na inumin sa loob ng festival zone.

Matatandaan na nitong nakaraang Ati-atihan ay ipinagbawal na ang pagbibitbit ng mga de boteng inumin na nagkaroon ng positibong resulta.

Ilan pa sa posibleng ipatupad ng pamahalaang lokal at mga kapulisan ang pagbusisi sa mga bag bago makapasok sa festival zone, pagbabawal sa pagbebenta ng mga patalim at mga kahalintulad, pagbabawal sa paninigarilyo at maging ang firecrackers at pyrotechnics.

Plano rin nilang isailalim sa profiling ang mga ambulant vendors kabilang na ang mga Muslim na ayon sa pulisya, karamihan sa kanila ay mga dayo. Nais nila na magkaroon ang mga ito ng mga ID at uniporme sa panahon ng festival.

Ang mga ito ay daan pa sa mabusising pag-aaral ng Sangguniang Bayan ng Kalibo.

No comments:

Post a Comment