Showing posts with label Women and Children Protection Desk. Show all posts
Showing posts with label Women and Children Protection Desk. Show all posts

Friday, August 25, 2017

PNP MAY PAALALA SA MGA KABATAANG BABAE NA GINAGABI NG PAG-UWI

photo (c) Numancia PNP
Nanawagan ang pulisya sa mga kabataang babae na huwag magpapagabi at umuwing mag-isa. Sinabi rin ng awtoridad na kung maaari ay magpasundo sa mga magulang o sa ibang mapagkakatiwalaan.

Ito ang sinabi ni PO2 Jemilla Bergalino ng Women and Children Protection Desk ng Numancia PNP sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Ang pahayag na ito ng pulis ay kasunod ng insidente ng tangkang panggahasa ng isang 23 anyos na lalaki sa isang 16 anyos na dalaga sa brgy. Laguinbanwa West Linggo ng gabi.

Matatandaan na mag-isang pauwi noon ang dalaga mula sa kanyang kamag-aral at pauwi na sa kanilang bahay dakong alas-7:00 ng gabi nang bigla siyang hinila ng suspek at tinangkang abusuhan.

Maswerteng nakapanlaban at nakahulagpos ang biktima sa suspek at nakahingi ng tulong bagay na naaresto ang nasabing lalaki at nasampahan ng kaukulang kaso.

Nanawagan siya sa mga magulang na kung maaari ay sunduin ang kanilang mga anak kapag malayo pa at walang kasama kapag gabi na.

Hinikayat rin niya ang taumbayan lalo na ang mga biktima ng kaparehong kaso na huwag mahiya at magreport agad sa mga kapulisan.

Tuloy-tuloy naman ang ginagawang kampanya ng pulisya ng pagbibigay impornasyon sa komunidad kaugnay ng Republic Act No. 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997.

23 ANYOS NA LALAKI NA NAGTANGKANG GAHASAIN ANG 16 ANYOS NA DALAGA, SINAMPAHAN NA NG KASO

Sinampahan na ng kaso ang 23 anyos na lalaki na nagtangkang gahasain ang isang 16 anyos na dalaga sa Laguinbanwa West, Numancia.

Nahaharap sa kasong attempted rape ang suspek na si Jhonel Olog, tubong brgy. Ortega, Libacao.

Ayon kay PO2 Jemilla Bergalino, imbestigador ng Women and Children Protection Desk ng Numancia PNP, positibo umanong kinilala ng biktima ang suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima pauwi na sa kanilang bahay nang madaanan siya ng suspek at kinaladkad sa madamo at madilim na bahagi.

Tinangka umanong gahasain ng lalaki ang biktima Linggo ng gabi pero nakapanlaban ito, nakahulagpos at nakahingi ng tulong sa mga dumaraang motorista.

Nakilala naman ng mga testigo ang suspek matapos itong sumakay sa iniwang motorsiklo malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Naaresto ang suspek sa ginawang hot pursuit operation ng pulisya pero todo tanggi ito sa reklamo sa kanya.

Nakakulong ngayon sa Aklan Rehabilitation Center ang suspek. Aabot sa Php200,000 ang pyansa para sa kanyang pansamantalng kalayaan.

Monday, August 21, 2017

23 ANYOS NA LALAKI ARESTADO MATAPOS INIREKLAMO NG PANGGAGAHASA SA ISANG MENOR DE EDAD

Arestado ang isang 23-anyos na lalaki makaraang ireklamo ng panggagahasa sa isang menor de edad.

Sa mga impormasyong nakalap ng news team, naglalakad umano ang 16-anyos na biktima sa isang pribadong kalsada nang abusuhan siya ng suspek.

Nabatid na sakay ng motorsiklo ang suspek nang madaanan niya ang dalaga, bumaba at pwersahang inabusuhang sekswal.

Maswerte nakahulagpos ang dalaga matapos manlaban sa suspek at nakahingi ng tulong sa mga dumaraang motorista at mga residente.

Nakilala naman ng mga testigo ang susek na kabarangay lang ng biktima at sa follow-up investigation ng pulisya ay naaresto ang suspek.

Mariin namang itinatanggi ng suspek ang nangyaring insidente na nabatid nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.

Natruma naman ang biktima at nagtamo ng mga sugat sa kamay hita at sa bibig.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Women and Children Protection Desk ng PNP ang pangyayari.