Thursday, December 29, 2016

NO. 2 HIGH VALUE TARGET SA AKLAN SA KASONG PAGTUTULAK NG DROGA, ARESTADO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang local government security guard at kinikilalang no. 2 high value target sa Aklan ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang buy bust operation sa isla ng Boracay dakong alas-4:00 ng madaling araw kanina.

Sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), kinilala ang naaresto na si Dodgie Manuel y Fernando, 36 anyos at residente ng Brgy. Balabag, Malay.

Nakuha sa operasyon ang Php3,000 na halaga ng pera sa suspek na sinasabing kapalit ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na nakuha naman sa poseur buyer. 

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa lalaki, mariin niyang itinanggi na nagtutulak siya ng iligal na droga. Samantala, sinabi ng kanyang misis na una nang nagsurender sa mga awtoridad ang suspek.

Pansamantalang nakapiit ang lalaki sa Kalibo police station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na lakas ng mga tauhan ng BTAC, Aklan PAIDSOTG, APPSC, PNP Maritime Group, at 12IB TIU and MIG6.

No comments:

Post a Comment