ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Pinasiguro ng Kalibo PNP ang seguridad sa sanglinggong pagdiriwang ng Ati-atihan Festival.
Sa isang media forum, sinabi ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana na target nila ang zero major incident sa naturang pagdiriwang.
Sinabi rin nito na ayon sa kanilang intelligence community ay wala namang banta sa seguridad sa kasagsagan ng pagdiriwang kabilang anya ang nauuso ngayon na pagpapasabog. Sa kabila nito, hindi nila ipagnagwawalang bahala ang posibilidad na may mangyaring ganitong uri ng insidente. Katunayan anya ay ipapatupad ng Philippine Army at ng mga kapulisan ang pagsusuyod sa mga matataong lugar gamit ang kanilang EOD Team at K9 Unit.
Ipapatupad rin ng mga kapulisan ang advance security control point o check point para sa mga motoristang pumapasok sa festival zone. Ang mga control point area ay nasa Linabuan Sur at Pook, Kalibo at Bulwang, Numancia.
Ilalatag rin umano ang tatlong staging area kung saan nakahanda ang ambulansiya ng PDRRMO, tactical ambulance ng Philippine Army, fire truck at mga medics. Itatalaga ito sa may Kalibo bridge, Petron Mabini, at sa Kalibo police station.
Gagamitin rin umano ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kanilang mobile jail na mag-iikot sa mga lansangan. May 16 rin anya na police assistance center ang ipapakalat upang magbigay tulong at impormasyon sa mga tao.
No comments:
Post a Comment