Tuesday, January 01, 2019

Batang babae na tinangay ng agos sa Aklan River hindi parin natatagpuan ayon sa mga rescuer

MDRRMO-Numancia

HINDI PARIN natatagpuan ang batang babae na tinangay ng agos ng tubig-baha sa Aklan River araw ng Sabado.

Umaga ng Miyerkules, sinabi ni Rowen Lachica, team leader ng MDRRMO-Kalibo na simula Sabado hanggang araw ng Miyerkules ay nagsagawa sila ng search and rescue operation.

Mababatid na si Feona Obamos, anim na taon-gulang, ayon sa lola na kasama niya ay nadulas at nahulog sa revetment wall sa Brgy. Bulwang, Numancia ay mabilis na tinangay ng rumaragasang tubig sa ilog.

Kasama nila sa operation ang mga tauhan ng MDRRMO-Numancia at ng PDRRMO. Ginalugad nila ang ilang bahagi ng Aklan River at mga tabing baybayin na posibleng dagsain ang bata.

Hinanap narin nila ang bata sa mga tabing baybayin ng Camanci Norte sa Numancia, Bakhaw Norte at Mabilo sa Kalibo subalit negatibo ang resulta.

Nahirapan umano ang mga rescuer sa paghahanap sa ilog sapagkat malabo at malalim parin ang tubig at maraming mga basura dala ng baha.

Hindi nila matiyak kung saan talaga maaring napadpad ang bata. Posible aniyang nasabit lamang ito sa ilalim ng ilog o posible ring dinala na sa dagat.

Sa kabila nito, magpapatuloy parin sa kanilang paghahanap ang mga rescuer.##

- Ulat ni Kasimanwang Darwin Tapaya, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment