Saturday, January 05, 2019
Batang nalunod sa Aklan River isang linggo nang pinaghahanap
ISANG LINGGO na ngayong araw ng Sabado na hindi parin natatagpuan ang anim na taon-gulang na bata na si Feona Obamos ng Brgy. Bulwang, Numancia.
Matatandaan na ayon sa kuwento ng kaniyang lola, nahulog umano sa revetment wall ng Aklan River sa Brgy. Bulwang hapon ng Disyembre 29.
Naglalaro lamang umano ang bata nang madulas ito, nahulog at mabilis na tinangay ng agos ng ilog habang nalulunod at kumakaway ang bata.
Simula noon tuluy-tuloy ang isinagawang search and rescue operation ng mga tauhan ng MDRRMO Numancia at Kalibo pati ang PDRRMO.
Tumulong narin sa retrieval operation ang mga tauhan ng Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ilang rescue volunteer at mga mangingisda.
Ayon kay MDRRMO-Numancia OIC Rosana Sim na ginalugad na nila ang Aklan River simula nang maganap ang insidente maging ang ilang coastal areas na posibleng mapapad ang bata.
Aniya malalim, malakas ang agos ng ilog at malabo pa ang tubig mga bagay na nagpapahirap sa kanilang operasyon.
Sa kabila nito, ginagawa umano ng kanilang team sa tulong ng iba pang mga rescue group na matagpuan ang bata. Ipagpapatuloy umano nila ang paghahanap sa bata.
Hindi parin mapakali at makatulog ng maayos ang mga magulang ng bata. Katunayan sinabi rin nila na hindi na umano sila nagdiwang ng Bagong Taon dahil sa nangyari.
Pinahulaan umano ng mga magulang kung saan naroroon ang bata. Ayon sa mga manghuhula nasa ilalim lamang ito ng tubig at nasabit sa isang malaking sanga ng kahoy.
Malakas naman ang kutob ng ina na nasa ilalim lamang ito ng tulay ng Kalibo-Numancia bridge.##
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment