Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Pinagdebatehan sa joint committee hearing ng Sangguniang Panlalawigan ang isyu tungkol sa partikular na linya ng Aklan Hymn Lunes ng umaga (Oct. 23).
Kasunod ito ng pagpuna ni SP member Harry Sucgang na mali ang linyang “May Ati ka, bantog sa kalibutan (May Ati ka, tanyag sa mundo)”. Paliwanag ng opisyal, hindi ang “ati” ang sikat kundi ang Ati-atihan festival.
Humarap sa nasabing pagdinig ang nagsulat na si Dr. Jesse Gomez at nanindigan na walang mali sa nasabing linya. Paliwanag niya, gumamit siya ng matalinhagang salita na tinatawag na “metonymy” sa linyang ito at ang salitang ati ay tumutukoy rin sa Ati-atihan.
Sinabi pa ni Gomez, bukas siya sa posibilidad na baguhin ang kanyang akda kapag nagdeklara ang Sanggunian na “erroneous” o mali ang partikular na linya.
Napag-alaman na noong Oktubre 2010, nagsulat rin sa Sanggunian si Sumra Dela Cruz-Rojo, anak ng namayapang manunulat na si Roman Dela Cruz, para punain ang parehong linya ng kanta. Ito ay matapos nang maisabatas ang “Among Akean” bilang opisyal na himno ng probinsiya. Bagaman dumaan sa mga pagdinig ang isyung ito noon, ayon kay Gomez, nakumbinsi naman umano si Rojo sa kanyang paliwanag.
Napagkasunduan naman sa pagdinig ng mga committee on culture and the arts at ng laws and ordinances sa pangunguna ni SP Soviet Dela Cruz na idudulog na lang sa plenaryo naturang usapin.
Pinagpapasa naman ng bagong recording ng kanta si Sucgang kung saan gagamitin ang salitang Ati-atihan sa halip na ati sa nasabing linya ng Aklan hym.
No comments:
Post a Comment