Monday, October 16, 2017

AKLAN PNP NAGBABALA KAUGNAY NG IBA-IBANG MODUS NA LAGANAP NGAYON SA PROBINSIYA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagbabala ngayon ang Philippine National Police sa Aklan kaugnay ng iba-ibang modus na laganap ngayon sa probinsiya.

Sa panayam ng himpilang ito, sinabi ni PCInsp. Bernard Ufano, hepe ng Provincial Intelligence Branch, asahan na umano ang mga ito dahil sa nalalapit na yuletide season.

Kabilang sa mga modus na ito ang mga nagbabahay-bahay at mag-iinspeksyon ng mga LPG at magpupumilit na bilhin ang kanilang binibentang hose sa mataas na halaga.

Nakarating rin umano sa kanilang tanggapan ang insidente ng mga nagpapakilalang manggagamot at kapag nagamot na ang kanilang pasyente ay mamimilit rin na bilhin ang tindang gamot.

Nagbabala rin siya sa mga nagpapakilalang Chinese national na nagmamakaawang bilhin ang binibentang cellphone o laptop, pero ito pala ay mga peke.

Paalala ng opisyal na pulisya, pairalin umano ang isip kaysa sa puso at huwag madala sa mga nagmamakaawang foreigner na ito. Huwag rin anyang magtitiwala sa mga hindi kakilala.

Nanawagan rin siya sa taumbayan na ireport agad ang mga ganitong insidente sa mga kapulisan para sa kaukulang aksiyon.

Pinasiguro niya na tinutukan na ng kanilang tanggapan ang mga kasong ito.

No comments:

Post a Comment