Friday, October 20, 2017

BODEGA SA BAYAN NG NUMANCIA NINAKAWAN, MGA SUSPEK ARESTADO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ilang mga appliances at iba pang paninda na ninakaw sa isang bodega ang narekober ng mga kapulisan sa isang bahay sa Brgy. Pusiw, Numancia araw ng Huwebes.

Una rito, nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang empleyado na ninakawan ang bodegang ito sa Brgy. Bulwang na pagmamay-ari ni Laurence Lu.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Numancia PNP, madaling araw ng namataan ng isang lalaki ang tatlong katao na tumatakbo papalayo mula sa bodega.

Nang usisain ang isang alyas Toyo, 14-anyos, ng Brgy. Pusiw, umamin ito na siya at ang dalawa pa niyang kasama ang pumasok sa nasabing bodega; kinilala ang mga ito na sina alyas Motlog, 16-anyos na lalaki at Justine Dale Tabing, 18-anyos, parehong taga-Brgy. Bubog sa nasabing bayan.

Sa follow-up investigation, narekober ng mga kapulisan ang mga nakaw na gamit sa bahay ni Amalia Rivera. Inaresto ng mga awtoridad ang nasabing maybahay at ang anak niya at isa pang barkada nito na naabutan ng mga kapulisan sa nasabing bahay.

Kabilang sa mga narekober ng Numancia PNP ang apat na DVD player,  2 electric fan, speaker, mga kamot, mga tuwalya at panyo. 

Ayon kay SPO1 Eric Lachica, imbestigador, patuloy pa ang imbestigasyon sa nasabing insidente. May ilan pa umanong paninda ang hindi pa narerekober. Aabot umano sa Php300,000 ang halaga ng mga ninakaw.

Inaresto ng mga kapulisan ang mga suspek at nahaharap ngayon ang lima sa mga kaukulang kaso

No comments:

Post a Comment