ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Pursigido ang Kalibo Save the Mangrove Association (KASAMA) na ipangalan sa yumaong si Atty. Allen Salas Quimpo ang Bakhawan Eco-Park.
Ito ang kinumpirma sa Energy FM Kalibo ng kanyang anak at ngayon ay chairman ng asosasyon na si Allan Angelo Quimpo.
Sinabi ni Angelo na ngayon ay ginagamit na nila sa kanilang mga opisyal na komunikasyon ang pangalang Allen Salas Quimpo (ASQ) Bakhawan Eco-Park.
Sinabi rin ni Angelo na nakatakda naring palitan ang mga palatandaan sa mangrove forest park sa pangalan ng yumaong si Atty. Quimpo, tagapagtatag ng KASAMA at nagpasimula ng pagtatanim ng bakhawan sa nasabing lugar.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na umano sila sa Department of Environment and Natural Resources sa hakbang na ito.
Matatandaan na una nang isinulong ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang resolusyong nagpapangalan ng eco-park sa yumaong si Atty. Quimpo.
Gayunman iginiit ni Angelo na ang Bakhawan ay pinamamahalaan ng non-government organization at hindi ito saklaw ng pamahalaang lokal ng Kalibo.
No comments:
Post a Comment