KINUWESTIYON NG Sangguniang Bayan ng Kalibo ang paniningil ng parking fee ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Kalibo International Airport.
Nabatid na ipinapatupad ngayon ng CAAP ang paniningil ng Php20 na parking fee sa lahat ng mga behikulo na lumalagpas sa 10 minuto at dagdag na singil sa mga susunod na oras.
Sinabi sa Sanggunian ni bagong upong CAAP manager Engr. Eusebio Monserate Jr., ang paniningil ng parking fee ay base umano sa atas ng central office na pinatutupad aniya sa mga international airport na kanilang pinamamahalaan.
Paliwanag ni Monserate, ang pamamaraang ito ay para sa seguridad at para rin malimita ang mga sasakyang pumapasok at nagpapark sa bisinidad ng Kalibo airport dahil sa maliit lamang umano na espasyo dito.
Sa kabila nito, kinuwestiyon ng ilang SB Member ang paniningil ng airport staff na hindi nagbibigay ng resibo kung hindi ito hihingin sa kanila.
Nababahala kasi ang ilang opisyal ng Sanggunian na baka hindi napupunta sa tamang kalagyan ang perang nakokolekta at maulit ang parehong insidente dati sa nasabing airport.
Iginiit ng CAAP manager na dumadaan sa auditing ang kanilang koleksiyon at nireremit sa kanilang central office para umano sa operasyon ng nabanggit na Government Owned and Control Corporation.
Gayunpaman tiniyak ni Monserate na bibigyan nila ng pansin ang problemang ito sa resibo.##
-Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment