LUMIHAM NA sa Regional Police Office 6 ang Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Foundation Inc. humihiling na papanatilihin si PSupt. Richard Mepania sa Kalibo PNP.
Dahilan ni Albert Meñez, chairman ng foundation, si Supt. Mepania ay itinalaga bilang ground commander ng nalalapit na na selebrasyon ng Kalibo Ati-atihan Festival.
Katuwiran ni festival organizer chairman Meñez na matagal na umanong napaghandaan ng outgoing chief of police ng Kalibo Municipal Police Station ang seguridad para sa malaking event na ito.
Tumanggi munang magbigay ng pahayag si Mepania ukol dito. Sa ngayon ay nananatili siya sa Kalibo Police Station habang hinihintay ang umano'y finality sa kanyang paglipat.
Aniya ang rason ng paglipat sa kanya ay dahil sa realignment ng mga opisyal. Nabatid na kasama niyang nakatanggap ng parehong atas ay si PSupt Ramer Gallardo na nadestino sa Isla ng Boracay.
Inaayos narin ng Aklan Police Provincial Office ang posibleng pagbabago sa hahawak ng seguridad sa Ati-atihan festival sa Enero ng susunod na taon.
Nabatid na gabi pa ng Disyembre 7 natanggap ni Mepania ang atas sa kanya mula kay PNP Regional Director PCSupt. John Bulalacao na ilipat mula sa Kalibo Police Station para italaga sa Regional Mobile Force.
Sa ngayon pansamantalang itinalaga bilang hepe ng Kalibo PNP ang dating deputy chief of police ng istasyon na si PCInsp. Kenneth Paniza.
Samantala, nabatid na gumagawa narin ng paraan si Mayor William Lachica para mapigilan ang pagpapalipat kay PSupt. Mepania.
Si Supt. Mepania ay naglingkod bilang hepe ng Kalibo PNP simula Pebrero nitong taon.
Kabilang sa mga pinatupad at pinasimulan niya ay ang Oplan Serenata at pagpapaigting ng ilang lokal na ordinasa gaya ng curfew for minors. Siya rin ang nagtalaga ng media corner sa police station.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment