INANUNSIYO NGAYONG araw ni Chairman Albert Meñez na ihihinto na nila ang operasyon ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Foundation Inc. (Kasafi) simula 2019.
Ang Kasafi ay isang pribadong institusyon na namamahala sa taunang pagdiriwang ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan, tinaguriang "The Mother of All Philippine Festival."
Sa isang pulong balitaan sinabi ni Meñez na matapos ang siyam na taong pamamalakad nila sa taunang festival ay hindi na umano nila ire-renew ang kanilang kontrata sa pamahalaang lokal ng Kalibo.
Aniya ang pagdiriwang sa Enero 2019 ay ang huling Ati-atihan festival sa pamamalakad ng Kasafi. 80 porsyentong handa na umano sila para sa nasabing pagdiriwang.
Balak umano ng grupo na lumikha ng Aklan Culture and Arts Foundation (ACAF) Inc. para tulungan ang pagpapabuti ng iba pang municipal festival sa buong probinsiya.
Nais umanong pagtuonan naman ng kanilang grupo ang pagpapabuti sa sining at kultura ng probinsiya sa pamamagitan ng pagbibigay tulong sa mga local artist.
Idinahilan rin ni Meñez ang pagbabago ng administrasyon ng pamahalaang lokal ng Kalibo dahil sa pagtatapos ng termino ni Mayor William Lachica na pangunahing sumusuporta sa foundation.
Sa kabila nito pinasiguro ni Meñez na tutulong parin siya sa taunang Ati-atihan festival sa Kalibo sa pamamagitan ng pagbibigay payo.
Naniniwala siya na magpapatuloy ang Ati-atihan kahit wala na ang Kasafi dahil ito umano ay panata na at tradisyon ng mga taga-Kalibo at Aklanon.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment