Iminungkahi ni vice governor Reynaldo Quimpo sa isang kinatawan ng STL Panay Resources Co. Ltd na magsampa ng kaukulang kaso laban kay Kalibo mayor William Lachica.
Ito ang sagot ng bise gobernador sa sulat-reklamo ni Pablo Ocampo na inirefer ng Presidential Complaint Center sa Sangguniang Panlalawigan para sa kaukulang aksiyon.
Matatandaan na sumulat si Ocampo kay pangulong Rodrigo Duterte na humihingi ng tulong sa umano’y panggigipit ng alkalde sa kanilang dredging project sa Aklan river.
Kinuwestiyon niya kung mayroon bang jurisdiction ang mayor na maglabas ng “cease and desit order” para pahintuin ang sinasabing flood mitigation project ng gobyerno probinsiyal.
Gusto rin ni Ocampo na maipaliwanag sa Sangguniang Bayan ng Kalibo na makakatulong sa mamamayan ng Aklan ang kanilang proyekto at hindi umano para sa STL.
Tugon ni Quimpo, maaring magsampa ng kaso administratibo o kriminal sa Ombudsman, sa Sangguniang Panlalawigan o sa regular courts ang STL laban kay Lachica.
Binanggit din ni Quimpo sa kanyang sulat-tugon na kasalukuyan pang dinidinig sa Regional Trial Court ang hiling ni dating Sangguniang Panlalawigan member Rodson Mayor na pahintuin ang dredging project ng STL./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo
No comments:
Post a Comment