Wednesday, January 09, 2019

Bagong health center, common terminal sa Kalibo bubuksan na ngayong Ati-Atihan Festival


BINALITA NI Kalibo Mayor William Lachica na bubuksan na ng pamahalaang lokal ng munisipyo ang bagong tayong health center at common terminal building.


Bago ito sinabi niya sa panayam ng Energy FM Kalibo na isang blessing ceremony ang isasagawa sa Enero 18 sa kasagsagan ng Ati-Atihan Festival.

Eastern Terminal / Energy FM Kalibo photo
Ang health center na bubuksan ay makikita sa kahabaan ng N. Roldan St. kung saan magsisilbi rin umano itong birthing facility.

Ang common terminal naman ay sa kahabaan ng San Lorenzo Drive kung saan magsisilbi ito sa mga jeep na bumibiyahe sa eastern side ng probinsiya.

May cutting ribbon rin umano para sa bagong gawa na Bakhaw Norte bridge sa Enero 17 na una nang binasbasan kamakailan.

Habang pinag-aaralan pa aniya ang petsa ng blessing at inagurasyon ng bagong Evacuation Center sa Brgy. Tigayon.

Health and Birthing Center
Energy FM Kalibo photo
Kaugnay rito sinabi ng alkalde na nag-imbita ito ng ilang mga politiko sa nasyonal para maging bahagi ng mga nasabing aktibidad.

Ilan lamang ito sa mga proyektong ipinagmalaki ng alkalde na bunga ng mga binabayad na buwis ng taumbayan at hindi galing sa utang.

Samantala, idinagdag ng alkalde na nagpapatuloy ngayon ang pag-aaspalto ng ilang mga kalye sa Kalibo bilang paghahanda narin sa Ati-Atihan.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment