Tuesday, August 14, 2018

NAWAWALANG LALAKI SA BAYAN NG BATAN, NATAGPUANG PATAY SA ILOG

Isang lalaki ang natagpuang patay umaga ng Martes sa isang ilog sa Brgy. Lupit, Batan.

Ang biktima ay nakilala kalaunan na si Raymund Berico ng Man-up, Batan na una nang naiulat sa Batan Municipal Police Station na nawawala noon pang Linggo ng gabi.

Unang nakita ni Alejandro dela Cruz ang nasabing bangkay habang nanghuhuli ito ng mga alimango.

Nakitaan ng sugat sa kanyang batok ang biktima na pinaniniwalaang hinampas ng matigas na bagay. Nakalabas din ang dila nito at nakataas ang mga kamay.

Nabatid na ang biktima ay nanghuhuli ng mga talangka o "kaeas-kaeas" noong Linggo kasama si Mark Anthony Talaga alyas Macmac sa palaisdaan nang mawala ito.

Ayon kay Macmac, habang nasa pala-isdaan sila ay pinaputukan umano sila ng baril dahilan para kumaripas ito nang takbo at magsumbong sa pamilya.

Naiwan ang biktima sa lugar. Binalikan di umano ito ni Macmac kasama ang ama doon sa lugar pero hindi ito nakita.

Binawi rin ni Macmac ang kanyang unang pahayag. Sa kabila nito siya at ang kanyang ama ay persons of interest ngayon at nasa pangangalaga na ng kapulisan.

Nakatakdang isailalim sa utopsiya ang bangkay habang patuloy pa ang imbestigasyon sa nasabing insidente. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment