Friday, January 06, 2017

PAGTITINDA NG MGA PATALIM SA KALIBO ATI-ATIHAN FESTIVAL, BAWAL NA!

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Bawal na ang pagtitinda, paggamit, o pagdisplay ng mga bagay na matutulis at mga patalim sa kasagsagan ng Kalibo Ati-atihan Festival sa darating na Enero 9 hanggang 15 sa loob ng festival zone.
Sa isinagawang unang regular session ng Kalibo Sangguniang Bayan ay inaprubahan ang nasabing resolusyon.

Nakasaad sa resolusyong ito ang pagbabawal ng mga patalim kagaya ng mga bolo, kutsilyo, samurai, pako, scythes at mga kahalintulad nito. Nakasaad rin sa resolusyong ito ang kahilingan sa mga negosyante ng street food na putulin muna ang matulis na dulo ng bamboo stick na ginagamit bago ibigay sa kostumer.

Paliwanag ng proponent na si SB Cynthia Dela Cruz, maari umanong magamit ito sa o pagmulan ng mga aksidente o insidente.

Nilinaw naman ni Dela Cruz na ipagbabawal lamang ito sa mga flea market at hindi naman ipagbabawal sa mga regular na mga nagtitinda nito.

Sa mga uukupa sa itinalagang lugar sa pagtitinda, ay hindi anya bibigyan ng Municipal Economic Enterprise Office (MEEDO) ang mga negosyante ng permit kung ganito ang mga ititinda nila.
Sa ngayon anya, wala pang ipapataw na kaukulang penalidad sa mga lalabag rito gayunman ay kukumpiskahin ito ng mga awtoridad.

Samantala, posible anyang gawin narin nila itong isang ordenansa upang maipatupad taon-taon.

No comments:

Post a Comment