ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga turistang bumibisita sa Isla ng Boracay, ipinahayag ni Jetty Port administrator Nieven Maquirang sa panayam ng Energy FM Kalibo ang takdang pag-expand sa Caticlan Jetty Port.
Sinabi ni Maquirang na matatapos ang proyekto sa susunod na dalawa o tatlong taon upang maka-accommodate ng mas marami pang turista alinsunod anya sa kagustuhan ni Aklan governor Florencio Miraflores.
Maliban rito, sinabi rin niya ang nakatakdang paglalagay ng break water system sa baybayin para kahit anya sa panahon ng habagat ay pwede paring makabiyahe mula Caticlan patawid sa Isla ng Boracay o vice versa.
Samantala, dahil sa pagdami rin ng mga bumibisitang cruise ship sa isla, tinitingnan din anya ng pamahalaang lokal ang pagsasagawa ng cruise ship port sa Caticlan. Sinabi niya na may mga inisyal na umanong mga desinyo at plano ukol rito na ginawa ng mga kilalang international cruise ship port designer.
Ang proyektong ito ay posible anyang matapos sa loob ng tatlo hanggang limang taon.
Napag-alaman na sa nakalipas na taong 2016 ay mayroon anyang 13 cruise ship na dumating sa Boracay kumpara sa 10 noong 2015. Inaasahan na sa Enero at Pebrero ay limang cruise ship agad ang bibisita sa Boracay. Mas darami pa umano ito sa panahon ng summer.
Nabatid rin mula sa jetty port administrator ang takdang paggawa sa Pook Jetty Port na ayon sa kanya ang posibleng gamitin ng mga turistang lumalabas-pasok sa Kalibo International Airport patungong Boracay.
No comments:
Post a Comment