Tuesday, March 27, 2018

ITATAYONG MEGA CASINO SA BORACAY IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN

Iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kontrobersyal na $500 million mega casino resort na itatayo sa Isla ng Boracay.

Kasunod ito ng pahayag ni SP member Nemisio Neron na posibleng may kurapsyon sa pagbili ng lupa na pagtatayuan nito.

Layunin umano ng imbestigasyon na alamin kung sino ang nagbenta ng lupa at kung sino ang may-ari nito.

Nanindigan si Neron na ang sugal ay nakakapinsala sa moralidad ng indibidwal at ugnayang pamilya. Pwede rin umano itong maging sanhi ng katamaran at iba pang bisyo kagaya ng droga.

Aalamin rin kung ito ay dumaan sa public consultation. Giit ni SP member Soviet Dela Cruz, kailangang mayroong social acceptability rito.

Sinabi naman ni SP member Esel Flores, hindi na kailangan pa ng ganitong casino dahil masikip na umano ang Boracay sa dami ng turista.

Ipapasama rin ni Vice Governor Reynaldo Quimpo sa imbestigasyon ang umano'y umiiral na na mga casino sa isla.

Dahil rito pursigido ang Sanggunian na ipatawag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCor), at ilan pang may kinalaman sa proyekto o sa likod nito.

Noong nakaraang linggo ay pinirmahan na ng PAGCor ang provisional permit ng Galaxy Entertainment na mag-ooperate ng Casino sa isla. Planong simulan ang pagtatayo nito sa 2019.

Inirefer ang usaping ito sa mga committee on laws, games and amusement at tourism.

No comments:

Post a Comment