Wednesday, March 28, 2018

OPERASYON NG SMALL TOWN LOTTERY SA AKLAN MULING IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Muling iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang operasyon ng small town lottery dito sa Aklan.

Gusto kasing siguraduhin ng Sanggunian kung nasusunod ng authorized agent corporation ang kanilang presumptive monthly retail receipt (PMRR) na Php23 milyon.

Nagsimula ang Yetbo Gaming Corporation ng operasyon ng STL sa probinsiya Marso 2017 na may opisina sa N. Roldan St., Kalibo.

Bago pa man ang operasyon ng STL sa probinsiya nangako ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Aklan branch at Yetbo na magsusumite ng buwanang report sa Sanggunian.

Pero ayon sa Sanggunian simula noon ay wala silang natanggap na report mula sa kanila.

Huling pinatawag ng Sangguniang ang PCSO-Aklan Mayo noong nakaraang taon kung saan napag-alaman na sa mga unang buwan ng kanilang operasyon ay mababa ang kanilang kinita kumpara sa kanilang PMRR.

Napag-alaman rin ng SP na ilan sa kanilang implementing rules and guidelines ang hindi nasusunod.

Sinabi noong ng PCSO-Aklan na ang Yetbo gaming corporation ay may cashbond na katumbas ng kanilang PMRR. Dito anya kukunin ang kakulangan sa kinita ng nasabing gaming corporation.

Sinabi pa ng PCSO na kung magpapatuloy na mababa ang kikitain ng korporasyon ay ipapasara nila ang operasyon nito.

Matatandaan na ang SP Aklan ay nagpasa ng resolusyon upang mahigpit na tutulan ang operasyon ng STL sa Aklan.

No comments:

Post a Comment