GINISA SA pagdinig ng joint committee sa Sangguniang Panlalawigan ang opisyal ng Bureau of Immigration sa Aklan dahil sa kakulangan ng monitoring sa mga banyaga na pumapasok at nagtratrabaho sa probinsiya.
Isa ang BI sa pinatawag ng joint committee na pinangunahan ni Board Member Nemesio Neron ng Committee on Peace and Order para dinggin ang usapin sa umano’y presensiya ng mga hindi dokumentadong banyaga sa Aklan.
Sa pagdinig sinabi ni Rey Daquipil, Deputy Alien Control Officer ng Kalibo at Boracay Immigration Office, na walang hindi dokumentadong banyaga sa Aklan pero sa kasagsagan ng pagtatanong sa kanya ng mga lokal na mambabatas sinabi niya na wala siyang alam.
Inamin rin ni Daquipil na hindi nila kayang i-monitor ang mga banyagang nagtratrabaho sa probinsiya dahil sa kakulangan nila ng tauhan.
Alam aniya na may mga banyagang nagtratrabaho sa bayan ng Madalag pero hindi nila hawak ang mga listahan ng mga ito o kung ito ba ay may working visa o permit mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Joeuella Faiganan, Labor and Employment Officer II ng DOLE – Aklan, na sa kanilang pinakahuling tala ay mayroong 163 Alien Employment Permit ang ibinigay nila sa mga banyaga dito sa probinsiya.
Sa bilang aniya na ito ay 123 ang sa Boracay at 41 ang sa Kalibo. Sinabi ni Faiganan na wala siyang alam na may mga banyagang nagtratrabaho sa bayan ng Madalag.
Sinabi pa ni Daquipil na nalalaman lamang nila na may mga iligal na banyaga sa isang lugar kapag may nagreport sa kanila at bibirepekahin ng kanilang intel operatives mula pa sa Manila.
Dismayado naman ang ilang mga miyembro ng Sanggunian sa kaluwagang ng BI at ng DOLE. Sinabi ni Neron na masakit isipin na lumuluwas pa ng ibang bansa ang mga kababayan natin samantalang ibinibigay natin sa banyaga ang mga trabahong kaya naman nating gawin.
Una nang nagpasa ng resolusyon ang Sanggunian na humihiling sa BI at sa DOLE na dagdagan ang kanilang mga tauhan sa Aklan para mamonitor ng maigi ang mga iligal na foreigner dito. Pero lingid umano sa kaalaman ng mga kinatawan ng parehong mga ahensiya ng gobyerno.
Kaugnay rito sinabi ni Neron na isusulong niya ang pagtatayo ng Aklan Tourist Regulatory Office na naglalayong tutukan ang mga undocumented foreigners dito.##
No comments:
Post a Comment