Tinawag ni Sangguniang Panlalawigan member Soviet Dela Cruz na inutil ang tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa Aklan.
Harapan niya itong sinabi sa opisyal ng kawanihan sa pagdinig hinggil sa mga dayuhan na iligal na nagtratrabaho sa probinsya lalu na sa Boracay.
Dismayado kasi si Dela Cruz dahil walang maipakitang bilang ang opisyal ng BI kung ilan ang mga dayuhan na iligal na nagtratrabaho sa sa isla at sa buong probinsya at kung ilan na ang hinuli at napauwi o nakasuhan.
Ayon kay Isser Harrel Magbanua, alien control officer ng BI-Aklan, pinigilan umano siya ng kanyang tanggapan na maglabas ng impormasyon dahil kompedensyal umano ito at kailangan pa ng pahintulot mula sa central office.
Gayunman aminado si Magbanua na may mga dayuhan nga na nagtratrabaho sa Boracay na walang kaukulang permit kabilang na ang mga tour guide karamihan ay mga Koreano at Chinese.
Sa kabila nito aminado siyang hirap mamonitor ang lahat ng mga dayuhan dahil sa kakulangan umano ng tauhan ng kawanihan. Sa Boracay anya ay apat lamang ang kanilang tauhan.
Iginiit niya na hindi nila hinuhuli ang mga foriegner na ito dahil wala umano silang police power kaugnay rito. Pagsasabihan lamang umano ito at isama sa blacklist. Noong 2017 ay tatlo ang kanilang nablacklist.
Kaugnay rito, irerekomenda ng Sanggunian sa lokal na pamahalaan ng Malay ang pagbuo ng pwersa na kabibilalangan ng mga kapulisan at tauhan ng LGU na magmomonitor sa mga dayuhan.
Hihilingin rin nila sa central office ng BI at ng Department of Labor and Employment na magdagdag ng tauhan sa mga tanggapang ito dito sa probinsya.
No comments:
Post a Comment