MAGPAPASKO NA at magba-Bagong Taon na pero problema parin sa serbisyo ng Metro Kalibo Water District (MKWD) sa suplay ng tubig ang gustong masolusyunan ng ilan.
Kaugnay rito ilang reklamo ang idinulog sa Energy FM Kalibo nananawagan sa MKWD na matugunan ito.
Isa sa mga nagrereklamo ay si Roy Lein SacapaƱo ng Sitio Libtong, Estancia, Kalibo na nakakaranas ng maruming suplay ng tubig na lumalabas sa kanilang gripo
Aniya halos hindi na nila nagagamit sa pagluluto o pang-inom ang tubig. Aniya nasa dalawang buwan na umano nilang nararanasan ang ganito.
"Ang mas nakakalungkot pa, halos oras-oras na lang po na madumi ang tubig na lumalabas dito. Nakakapanghinayang po na ang aming binabayad ay parang napupunta na lang sa wala," sentimyento niya sa kanyang mensahe sa himpilang ito.
Sa kabilang banda inirereklamo rin ng isang concerned citizen ang mahinang suplay ng tubig sa Brgy. Polo sa bayan ng Banga.
Sa panayam naman kay Mayor Erlinda Maming ng Banga sinabi niya na maging sila sa munisipyo ay nakakaranas ng maruminh suplay ng tubig.
Kaugnay rito nais ng mayora na magpatawag ng pampublikong pagdinig para sa balak nilang magtayo ng hiwalay na water system sa kanilang bayan.
Tinawagan ng Energy FM Kalibo ang general manager ng MKWD na si Engr. Edmund Peralta para kunin ang kanyang paliwanag pero tumanggi itong magbigay ng pahayag.##
No comments:
Post a Comment