Thursday, February 15, 2018

PANGULONG DUTERTE MISINFORMED UMANO TUNGKOL SA BORACAY AYON KAY GOV. MIRAFLORES

Naniniwala si Aklan Governor Florencio Miraflores na maling impormasyon ang nakarating sa pangulo ng bansa hinggil sa kalagayan ng baybayin sa Isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ng gobernador sa naganap na pagpupulong ng mga stakeholder araw ng Miyerkules hinggil sa pahayag at hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan na tinawag ni Duterte na 'tapunan' ng basura ang Boracay at nagbanta na kapag hindi naayos ang suliranin sa dumi at basura sa loob ng anim na buwan ay ipasasara niya ito.

Nilinaw naman ng gobernador na maaaring pamamaraan lamang ito ng pananalita ng pangulo na kailangan na ang agarang pagkilos para malutas ang mga problema sa isla.

Aminado naman ang gobernador na may kakulangan rin ang pamahalaang lokal ng Malay at probinsiya at maging ang pamhalaang nasyonal sa umano'y kakulangan ng suporta.

Sa kabila nito sinabi niya na hindi ito ang panahon para magsisisihan kundi dapat ay magtulungan ang lahat.
Kaugnay rito, nangako si Miraflores ng limang milyong piso para pondohan ang agarang pagsasaayos ng drainage at sewerage system ng Boracay. Nangako rin ng dagdag na limang milyon ang DENR-6 para sa parehong layunin.

Samantala, sa report ng DENR-EMB, bagaman mataas ang coliform contamination sa Bolabog Beach sa isla, hindi pa umano ito umabot sa lebel na hindi na ligtas sa tao. Ipinakita rin na ang iba pang bahagi ng baybayin ay malinis para paliguan.

No comments:

Post a Comment