Saturday, February 17, 2018

ISLA NG BORACAY POSIBLENG ISAILALIM SA STATE OF EMERGENCY AYON SA OPISYAL NG DILG

Isinusulong ngayon ng pamahalaang nasyonal na isailalim ang isla ng Boracay sa state of emergency o calamity sa loob ng anim na buwan.

Ito ang pinahayag ni Department of Interior and Local Government Asec. Epimaco Densing III sa isang press conference ngayong araw sa Kalibo, Aklan.

Iminungkahi na umano niya ito sa technical working group matapos siyang atasan na pangunahan ang grupo sa imbestigasyon sa kurapsyong nagaganap sa isla.

Paliwanag ni Asec. Densing, kapag nangyari ito ay iti-take-over ng national government ang operasyon sa Boracay. Paraan rin umano ito para malaanan ng kaukulang pondo ang tourist spot upang isaayos ang mga istraktura dito.

Dagdag pa ni Densing, ito rin ang magtutulak sa kanila para paigtingin ang imbestigasyon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Malay at ng probinsiya.

Kinukuwestiyon ng opisyal kung saan napupunta ang koleksiyon ng pamahalaang lokal sa environmental at terminal fee sa isla. Nais niyang mapanagot ang mga nasa likod sa kurapsyong ito.

Sa Pebrero 21 ay darating umano sa Boracay ang iba-iba ahensiya ng pamahalaan nasyonal sa posibleng pagbaklas ng mga iligal na istraktura sa isla.

May posibilidad rin umano na ipasara ang isla sa loob ng 60 days. Kaugnay rito, tinitingnan na umano nila ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado.

Samantala, denepensahan naman ni Densing ang pangulo sa mga kritiko niya na mis-informed ito tungkol sa kalagayan ng isla.

Ang opisyal ay nasa probinisya para pangunahan ang paglulunsad ng anti-graft and corruption campaign ng isang federalism advocate group.

No comments:

Post a Comment