ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Tumaas ng Php0.40 bawat kilowatt hour ang bayarin sa elektresidad ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ngayong buwan ng Pebrero kumpara sa nakalipas na buwan.
Sa inilabas na report ng AKELCO, ang bayarin para sa mga residential consumer na gumagamit ng 21kwh pataas ay Php10.3190/kwh. Sa low voltage consumer commercial, industrial, public building, at street light naman ay Php9.3783.
Ayon sa AKELCO, malaki ang epekto ng pass-on charges sa pagtaas ng bayarin sa elektresidad alinsunod sa ipinapatupad ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Pinakamalaki rito ay napupunta sa generation system charge na sinisingil ng mga independent power producer. Ang iba pa ay para sa transmission charge at government mandated charges kagaya ng EVAT.
Dagdag pa rito, ang pagbili ng wholesale electricity market ng kompanya para matugunan ang lumalaking pangangailangan sa elektrisidad ay isa ring dahilan ng pagtaas ng bayarin.
Patuloy namang ipinapaalala ng AKELCO sa taumbayan ang pagtitipid at tamang paggamit ng elektresidad.
No comments:
Post a Comment